PINAGHAHANAP ng pulisya ang isang suspek na nakabisekleta na tumangay ng mahigit P181,000 halaga ng cash, kagamitan at pastillas sa isang kilalang tindahan ng halo-halo sa Imus City, Cavite noong Martes ng madaling araw.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng CCTV footage ng tindahan.
Ayon sa ulat, bandang alas-1:55 ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang Benz Halo-halo sa Brgy. Poblacion 1-C, Imus City, Cavite sa pamamagitan ng pagsira sa door lock nito.
Tinangay ng suspek ang humigit kumulang sa P180,315.00 na kita ng tindahan, Wifi modem, isang Foodpanda device, dalawang speaker, isang biometric device at sampung piraso ng toasted pastillas na nagkakahalaga ng P1,350.00 o humigit kumulang sa P181,665 ang kabuuang halaga.
Pagkatapos ay tumakas ang suspek lulan ng isang bisikleta patungo sa ‘di nabatid na direksyon.
Bandang alas-8:45 ng umaga nang matuklasan ang insidente ng pagnanakaw nang buksan ang nasabing tindahan.
(SIGFRED ADSUARA)
85 