NAGPOSITIBO sa COVID-19 si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.
“Ikinalulungkot kong ipabatid na ako ay nakumpirmang positibo sa COVID-19. Ako ay nasa maayos na kalagayan at kasalukuyang nagpapagaling,” ayon sa pahayag ng alkalde.
Dagdag niya, patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin at mandato sa pamahalaang lungsod ng Caloocan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nasasakupan.
“Umasa po kayo na ang inyong lingkod ay patuloy na nakaantabay sa mga nagaganap at pangyayari sa ating lungsod habang patuloy ang aking komunikasyon sa iba’t ibang mga sangay ng ating pamahalaan,” ani Malapitan.
“Hinihikayat ko ang aking mga close contact nitong mga nakaraang araw na kaagad mag-self-quarantine at sumailalim sa swab test. Mayroon tayong regular na libreng RT-PCR test para sa ating mga mamamayan. Makipag-ugnayan lamang tayo sa ating City Health Department o sa Barangay Health Center na nakakasakop sa inyo. Maaari ring tumawag sa sumusunod na COVID-19 hotlines: 09668274519 / 09478834430,” patuloy ng punong-lungsod.
“Umasa po tayo na malalampasan natin ang pandemyang nagdulot nang matinding kahirapan at sakripisyo sa ating bayan sa pamamagitan ng ating pananampalataya at pagdasal sa Poong Maykapal,” ani Malapitan.
Samantala, nakarekober at nakalabas na mula sa Sta. Ana Hospital si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso makaraang magpositibo sa COVID-19.
Matatandaan, ang alkalde ay na-confine sa Sta. Ana Hospital nang magpositibo sa virus noong Agosto 15.
Nakaranas ng bahagyang ubo, sipon at pananakit ng katawan ang alkalde hanggang sa nawalan na rin ng panlasa at pang-amoy.
Matapos ang limang araw ay wala na siyang nararamdamang ano mang sintomas ng sakit at na-tagged na siya bilang recovered patient at pinayagan nang makauwi.
Laking pasalamat naman ni Moreno dahil magaling na siya at nagbahagi pa ng kanyang mga larawan habang papaalis ng Manila Infectious Disease Control Center ng Sta. Ana Hospital nitong Miyerkoles.
“Salamat po sa Diyos,” ani Moreno.
173 