KUMPIYANSA si Senator Cynthia Villar na agad lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasabatas ng Cash Assistance to Filipino Farmers Act of 2020 kung saan mabibiyayaan ang mahigit 1.6 milyong maliliit na rice farmers.
Sinabi ni Villar, chairperson ng Senate agriculture and food committee, inirerekomenda sa Cash Assistance for Filipino Farmers Act of 2020 na ibigay bilang cash na tulong sa rice farmers ang anomang sobra sa P10 billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) collection ng Bureau of Customs (BOC). Mabibigyan ng tulong ang mga magsasaka na may isang ektarya pababa na rice land na tinatayang 1.37 miyon sa talaan ng Registry System of Basic Sectors (RSBSA).
Ayon kay Villar, patuloy na nahaharap ang mga magsasaka sa maraming pagsubok sanhi ng liberalization ng rice importation noong 2019, mga bagyo na sumira sa kanilang sinasaka at ang COVID-19 pandemic.
“So I strongly believe that our farmers need more support and assistance to cope up with the several challenges, especially now that we are in a pandemic, and their health is also at risk,” ayon sa senadora.
Dahil dito, kailangang magbigay ang estado ng pinansiyal na tulong sa mga magsasaka. (ESTONG REYES)
