CHED UMARAY SA P10B TAPYAS BUDGET

HINDI ikinalugod ng Commission on Higher Education (CHED) ang halos P10 bilyong tapyas sa kanilang taunang budget, kaya naman hiling nito sa Kamara — saklolo.

Sa pagdinig g House Committee on Higher and Technical Education, nagpahayag ng pagkabahala si CHED chairman Prospero de Vera sa naging hakbang ng Department of Budget and Management (DBM) na siyang nagbawas ng halos P10 Billion ang kanilang isinumiteng 2022 budget sa susunod na taon.

Kasabay nito, tila nagpasaklolo naman si de Vera sa mga mambabatas. Hiling nito sa Kamara, ibalik ang pondong tinapyas ng DBM kapag nagsimula na ang pagdinig sa 2022 national budget.

Ayon sa opisyal, umaabot sa P62.397 bilyon ang kanilang isinumiteng proposed 2022 budget subalit P52.6 bilyon lamang ang inaprubahan ng DBM.

Aniya, kabilang sa binawasan ng pondo ang Doktor Para sa Bayan Program sa ilalim ng Republic Act 11509. Tumataginting na P1 bilyon umano ang tinabas ng DBM sa kanilang panukalang alokasyon.

Maging ang UNIFAST o Universal Access to Quality Tertiary Education Act ay apektado umano dahil mula sa proposed budget na P54.210 milyon ay nauwi ito sa P46.795 milyon.

Layon ng UNIFAST na ilibre ang tuition fees at iba pang bayarin ng mga college students na nag-aaral sa mga State Universities and Colleges (SUC) kaya naman posibleng aniyang maapektuhan ang nasabing programa.

Gayunpaman, hindi pa din natatanggap ng kamara ang sipi ng P5-trillion proposed national budget na nananatiling nasa kamay pa ng DBM.

Target ng Kamara na simulan ang pagdinig sa national budget sa Setyembre kasabay ng pangakong tatapusin ito bago tumuntong ang buwan ng Disyembre. (BERNARD TAGUINOD)

141

Related posts

Leave a Comment