CHINESE COMPANY NA SUBCONTRACTOR NG MWCI PALPAK DAW GUMAWA?

BARA-BARA daw ang gawa o trabaho ng isang Chinese Company na sub-contractor ng Manila Water Company Inc. (MWCI) para sa sewerage system ng concessionaire ng gobyerno sa tubig sa Eastern part ng Metro Manila.

Nakuha ng MWCI bilang concessionaire ay ang Mandaluyong, Marikina, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Makati at ilang parte ng Quezon City at Maynila.

Sakop din nila sa kanilang serbisyo ay ang lungsod ng Antipolo at ibang bayan sa probinsiya ng Rizal gaya ng Angono, Baras, Binangonan, Cainta, Cardona, Jala-Jala, Morong, Pililia, Rodriguez, Tanay, Taytay at San Mateo.

May 7 business areas din silang sakop kabilang sa mga ito ay ang Balara Business Area, Cubao Business Area, Makati Business Area, Marikina Area, Pasig Business Area, San Juan-Mandaluyong Business Area at Taguig Pateros-Rizal Business Area.

Ayon sa mata ng PUNA na empleyado mismo ng Chinese Company na sub-contractor ng MWCI hindi inaayos ng kumpanya ang dapat sana ay pagkakadugtong-dugtong ng mga tubo na daluyan ng tubig (se werage system) na kanilang ginagawa sa kasalukuyan.

Sinabi ng ating source, na hindi niya raw matanggap ang ginagawang pandaraya ng sub-contractor sa isang mahalagang pampublikong proyekto sa ating bansa.

“Siyempre dahil mahinang klase ang ginamit sa pagdugtong ng mga tubo na daluyan ng tubig, kapag nag-leak ito ay papasukin na ng lupa ang tubo hanggang sa magbara na ito”, dagdag pa ng source.

Nagsimula daw makuha ng Chinese subcontractor ang kontrata ng paggawa ng sewerage system mula Pasig City hanggang Cainta, Rizal noon pang 2016.

Tipid na tipid daw ang paggawa sa proyekto para nga naman malaking halaga ang kanilang kitain o tubuin sa nasabing kontrata.

Hindi raw masikmura ng ating source ang sobrang pagtitipid ng subcontractor sa paggawa ng sewerage system kaya isinumbong niya sa PUNA ang palpak na trabaho nito.

Ang kinukuhanan daw ng CCTV ng subcon ng MWCI sa kanilang paggawa ay ang mga wala namang problemang bahagi ng proyekto. Halimbawa ay ang ibabaw lamang ng mga tubo na magkaka-konekta at ito ang kanilang ipapakita para sabihing maayos na at tapos na ang kanilang proyekto.

Pero pag sisilipin daw sa pinagdugtungan ng tubo sa ilalim nito ay makikita ang totoong kalagayan ng proyekto o ampaw at mahinang pagkagawa.

Alam kaya ito ng pamunuan ng MWSS? Kundi nila alam dapat nilang alamin.

Dapat makita nila agad ang kapalpakan na pinaggagawa ng Chinese subcontractor na ito dahil talo naman ang lahi ni Juan dela Cruz dito.

Ang mahirap dito tuwing may ginagawa ang mga concessionaires gaya ng MWCI at Maynilad, ang kanilang gastos ay binabawi lamang sa kanilang mga kustomer sa pamamagitan ng pagtataas ng singil ng tubig.

Wow Ha! Mga taga-MWSS alamin nyo na yan hanggat ‘di pa natatapos ang proyekto ng Chinese subcontractor ng MWCI.

Balita natin malapit na rin daw matapos ang nasabing subcontractor sa kanilang ginagawa. Marami daw ang kontrata nito sa gobyerno ngayon, pero sobrang gulang daw nito sa kanilang mga proyekto.

Ala talaga tayong maasahang tibay sa mga gawa ng Tsekwa.

Buti pa ang spartan nung araw may tibay tayong aasahan, pudpud na ang paa natin pero ang tsenelas buo pa.

Mga bossing riyan sa MWSS bisitahin na ninyo ang ginawa ng Chinese subcontractor na ito lalo na mga inilagay na tubo para sa sewerage system ng Pasig City at Cainta, Rizal.

Hindi raw ito magtatagal ay bibigay dahil sa mahinang klaseng ginamit sa pinagkakadugtungan ng mga tubo.

Pag nasilip ng Commission on Audit (COA) at Office of the Ombudsman na nagpabaya kayo, tiyak malilintikan kayo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com

140

Related posts

Leave a Comment