NAKAKAPASOK na sa bansa ang Class A Chinese prostitutes galing sa China na ipinararating umano ng isang malaking sindikato na nag-o-operate sa bansa kasabwat ang ilang tiwaling mga tauhan at opisyales ng Bureau of Immigration (BI).
Ang modus umano ng sindikato ay gumamit ng isang kompanya na nakabase sa bansa upang palabasin na sila’y lehitimong manggagawa upang mabigyan ng visa mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), at ng travel exemption mula sa National Task Force Against COVID-19.
Ayon sa ating mga nakakausap na immigration officers sa airport, sila man ay nagdududa rin umano sa kanilang isinasagawang profiling sa mga babaeng Chinese na pasahero sa panlabas na anyo ng mga ito na hindi tugma sa nakasaad sa kanilang invitation letter mula sa isang kompanya kung kaya’t inilalagay nila ang mga ito sa excluded passengers.
Ngunit tila napakalakas ng loob ng organisadong sindikato ng Chinese handlers dahil nagagawa nilang ipa-recall ang exclusion order sa main office ng BI kapalit ang malaking halaga at kadalasan pa umano ay inireregalo sa mataas na opisyal ng ahensya ang isang magandang excluded passenger at idini-deliver sa hotel room nito.
Kamakailan lamang ay isang 22-anyos na babaeng Chinese na si “WANG SHIFEN” ang hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dahil bumagsak ito sa interview ng immigration officers dahil sa uri ng papasukan nitong trabaho sa bansa na naimbitahan ito at imposible rin namang sa panahon ngayon ng pandemic ay nagpunta lamang sila rito upang maging isang tourist. Hmm saan kaya sila mamamasyal sa hardin ni Eva at Adan?
Ano kaya ang ka-ugnayan dito ng isang pulitiko at dating deputy commissioner ng BI na si Atty. Gilberto Repizo na sobrang lakas upang isang araw lamang matapos ang exclusion sa Chinese ay nagawa nitong mapabawi kay Commissioner Jaime Morente upang makapasok na sa bansa ang pasahero.
Bakit kaya hindi natutunugan ang modus ng sindikato ng hepe ng BI Intelligence Division? Nagkukulang kaya ito sa intelligence gathering o sadyang natutulog ito sa pansitan? Ang Intelligence Division ang may jurisdiction sa Travel Control Enforcement Unit at Border Control Intelligence Unit na nagbabantay sa mga arrival ng mga paliparan sa bansa upang bantayan at suriing mabuti ang mga dayuhang pumapasok sa ating teritoryo.
Bakit kaya hindi rin imbestigahan itong isang nagngangalang “HEIDI” na ginagamit umano ng sindikato upang magproseso ng recall order ng excluded passengers. Sino ang iba pang nasa likod ng sindikato? Abangan…
Para sa inyong Sumbong at Reaksyon, maaari ninyo akong i-text sa 09158888410.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
