CHOOKS 3X3 PLAYERS INISNAB NG SBP 

Ronald Mascariñas

MASAMA ang loob ni Bounty Agro Ventures Inc. at Chooks-to-Go Pilipinas president Ronald Mascariñas sa Samahang Basketbol ng Pilipinas dahil sa pag-etsapwera sa mga player ng una sa 2020 Fiba 3×3 Olympic Qualifying Tournament sa Marso sa New Delhi, India.

Pakiramdam ni Mascariñas, binalewala ng SBP ang lahat ng mga pagsisikap ng Chooks-to-Go Pilipinas para mapaangat ang kalidad at makatuntong ang bansa sa pinakamataas na antas sa 3×3 basketball patungo sa Olympic Qualifying Tournament.

“Balewala na parang batang kalye at ulilang-ulila noon ang 3×3 noong lumapit kami para matulungan na mapalakas at mabigyan ng pagkakataon ang mga player na ma-realize nila kahit paano ang kanilang mga pangarap. Kami naman ay talagang nakatutok sa grassroots at tumutulong para sa bayan,” wika nito.

Iginiit ni Mascariñas na dahil sa mga isinagawa nilang torneo kaya’t nakatipon ng sapat na puntos ang Pilipinas 3×3 team para sa Fiba 3×3 Olympic Qualifying Tournament.

“Sana lang ay alam nila ang kanilang ginagawa,” dagdag niya.” Iba ang rules ng regular basketball kumpara sa 3×3 at tanging ang mga player na may ranking points lamang ang makakasali sa OQT at hindi na kailangan pa ang isang coach kundi isang trainer.”

Nauna nang itinalaga ng SBP si Ronnie Magsanoc bilang head coach ng Gilas 3×3 pati na rin ang pagsali sa dalawang PBA players para maging parte ng koponan na sasabak sa Fiba OQT.

Matatandaan na nag-all pro PBA ang SBP sa Philippine 3×3 team na lumahok sa 30th Southeast Asian Games. Kabilang sa mga ito sina CJ Perez, Chris Newsome, Jason Perkins, at Mo Tautuaa na nag-gold medal finish sa biennial meet.

Kabilang sa mga pangunahing player ng Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 ay sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol. Kabilang din sa listahan nito sina Dylan Ababou, Karl Dehesa, Santi Santillan, Chris De Chavez, Gab Banal, Leo De Vera, Ryan Monteclaro, at Jaypee Belencion.

Nakatakdang lumaban ang Philippine team para sa OQT sa Marso 18 hanggang 22 sa New Delhi, India kung saan kabilang sa Pool C na kinabibilangan ng bansa ang Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic.

Ang  top two sa grupo ang aabante sa susunod na round. Tanging tatlong teams ang makakakuha ng  tiket sa 2020 Tokyo Olympics.  (ANN ENCARNACION)

223

Related posts

Leave a Comment