CL PATULOY NA SUPPLIER NG AGRI-PRODUCTS SA NCR

TINIYAK ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon na patuloy ang pagsusuplay ng iba’t ibang lalawigan ng ikatlong rehiyon, ng mga produkto tulad ng gulay at karne, sa Metro Manila sa kabila ng pandemyang kinahaharap ng bansa.

Base sa datos ng DA Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), nasa kabuuang 146,245 kgs na lowland vegetables ang naipadala sa National Capital Region (NCR), sa pagsisimula pa lamang ng taong 2021.

Samantala, sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI), tinatayang nasa 9,467 heads ng baboy na African Swine Fever (ASF) free ang naisuplay sa NCR.

Sa pamamagitan nito, ang food trading centers na naitatag sa Gitnang Luzon ang tumutulong sa mga magsasaka at mangingisda upang mas mapadali ang pagbebenta ng kanilang produkto nang direkta sa merkado.

Ang Nueva Ecija Agri-Pinoy Trading Center o NEAPTC ay itinatatag ng Kagawaran ng Pagsasaka, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Nueva Ecija, para mapataas ang ani at madagdagan ang kita ng mga maliliit na negosyanteng magsasaka’t mangingisda. Dagdag pa rito, nagsisilbi rin itong sentro ng kalakalan ng mga mamimili mula sa Metro Manila at karatig na probinsiya.

Layunin nito na matugunan ang mga pangangailangan sa pagkain partikular ang mga gulay na abot-kaya ng mga mamimili, ligtas at masustansyang pagkain para sa lahat.

Pahayag ni Agriculture Secretary William Dar, magiging sapat ang suplay ng agri-products at mahigpit na babantayan ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa palengke para maiwasan ang pananamantala sa merkado.

“Nais po namin siguruhin na meron tayong sapat na suplay ng pagkain at itaas pa ang produksyon ng mga ito, kabilang ang bigas, karne, isda at gulay,” sambit ng kalihim.

Dagdag ni Regional Director Crispulo Bautista, ang nararanasang pagbaba ng suplay ng gulay sa NCR ay dulot ng mga nakaraang bagyo na nagdala ng malawakang pinsala sa lalawigan ng Bulacan at Nueva Ecija noong nakaraang taon.

“Nang dahil sa dumaang apat na bagyo, malaki ang perwisyong idinulot nito sa mga magsasaka kaya nakararanas ng low supply ng vegetables sa Metro Manila. Ang mga magsasaka sa Bulacan at Nueva Ecija ay nag-replant na at by February ay magsisimula nang mag-harvest at unti-unting magbabalik na sa normal,” saad pa ng direktor. (JOEL O. AMONGO)

390

Related posts

Leave a Comment