MISTULANG nakalilimutan na ang senior citizens dahil hindi lamang ang karagdagang P1,000 pension ng mga ito mula sa Social Security System (SSS) ang hindi ibinibigay kundi gayundin ang P500 social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kanyang privilege speech, naglabas ng sama ng loob si Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ordanes dahil tatlong taon nang iniipit ng SSS ang karagdagang P1,000 sa pensyon ng mahigit kumulang sa 2.5 million pensioners.
Ayon sa mambabatas, simple lang ang pangarap ng matatanda na pagretiro ng mga ito ay magkaroon nang sapat na pensyon upang hindi na umasa ang mga ito sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Kaya nga po kami ay masugid na nagbayad sa loob ng maraming taon ng kontribusyon namin sa SSS para lang magkatotoo ang pangarap na ito,” ayon sa mambabatas.
Noong 2017 ay dinagdagan ng P2,000 ang pensyon ng mga senior citizen bilang pagtupad sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing sektor ngunit P1,000 lang unang ibinigay at ang karagdagang P1,000 ay ibibigay dapat noong 2019.
Gayunpaman, tatlong taon na ang nakararaan ay hindi pa ibinibigay ng SSS ang karagdagang pensyon kaya sumulat umano ang mambabatas sa nasabing ahensya para rito.
“Nakakapanlumo po ang sagot ng SSS sa atin, dahil sa halip na bigyan tayo nang pag-asa ay lungkot ang isinagot sa atin.
Hindi raw po nila maibibigay ang karagdagang P1,000 pension increase dahil mababawasan ng pitong (7) taon ang fund life ng SSS,” ani Ordanes.
Maging ang social pension ng mahihirap na matatanda na nagkakahalaga ng P500 kada buwan ay may beneficiaries ang dalawang taon na rin umanong hindi nakatatanggap kaya kinalampag nito ang DSWD.
“Maliit na halaga po ang P500 subalit napakalaking bagay ang tulong na ibinibigay nito sa ating mga indigent senior citizens na kahit paano ay magkakaroon ng dagdag na P500 para sa gastusin nila kada buwan,” ayon pa sa mambabatas lalo na’t mas matinding paghihirap ang nararanasan ngayon ng matatanda dahil sa pandemya. (BERNARD TAGUINOD)
174
