IPINAALALA ni Education Secretary Sonny Angara sa mga paaralan na ang local government units (LGUs) ang responsable na ngayon sa pag-aanunsyo ng class suspensions base sa real-time weather conditions.
“Hindi na sa amin po ‘yan (class suspension announcements), nasa local governments,” ang sinabi ni Angara sa ambush interview, araw ng lunes, sa unang araw ng School Year 2025–2026.
Sa nakalipas, awtomatikong sinusunod ang suspension guidelines, suspendido ang kinder classes kapag may Signal No. 1 warning.
Subalit sa ilalim ng bagong polisiya, pinahintulutan ng Department of Education (DepEd) ang mga eskuwelahan at LGUs na magpasya base sa aktuwal na kondisyon sa ground.
“Dati ‘pag naabutan ng Signal No. 1, cancel kaagad ang kinder. Iniba na natin ‘yan. Depende na sa actual weather condition sa bawat lungsod,” ang sinabi ng Kalihim.
“Ang request din ng ibang paaralan, mabigyan pa sila ng mas malaking uwang. Kapag hindi naman talaga malakas [ang ulan], especially private schools, huwag sana mag-cancel agad,” ang sinabi pa rin ni Angara.
Layon ng paglilipat na ito na maiwasan ang mga hindi kinakailangang pagkagambala sa pag-aaral lalo na sa mga lugar kung saan ang mga kondisyon ng panahon ay mapamamahalaan.
Nagpahayag din ng malakas na pagsuporta si Angara sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilipat ang academic calendar sa mas malapit sa pagtatapos ng panahon ng tag-ulan.
“Mas maganda ang school calendar ngayon,” aniya pa rin.
“Good choice na i-move ng Presidente ang school year,” ang sinabi pa rin ng Kalihim.
(CHRISTIAN DALE)
