Co-accused ni Sandra Cam WANTED VICE MAYOR NALAMBAT NG PNP-PRO5 *Most wanted sa rape nahuli rin

ARESTADO ng mga tauhan ni PNP-PRO5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo ang isang vice mayor na wanted sa kasong murder at frustrated murder noong Huwebes ng hapon sa Brgy. Quinapagian, Mercedes, Camarines Norte.

Kinilala ni P/BGen. Estomo ang arestado na si Nelson Cambaya y Refermoso, vice mayor ng Batuan, Masbate.

Ayon sa ulat ng PNP-PRO5, nadakip ang suspek noong Hunyo 10 dakong alas-5:00 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Dinnah C. Aguila-Topacio, presiding judge ng RTC Branch 42, National Judicial Region, Manila para sa kasong murder at frustrated murder.

Ang suspek ay nadakip ng mga operatiba ni Camarines Norte Provincial Director, P/Col. Julius D. Guadamor, sa pangunguna ng Mercedes MPS, kasama ng mga tauhan ng CamNorte PMFC, CamNorte PIU, 503rd MARPSTA at CIDT.

Ayon sa record ng korte, noong Oktubre 2019 ang suspek kasama ang pitong kapwa akusado ay nagsabwatan umano para paslangin si Vice Mayor Charlie Yuson III.

Kabilang sa iba pang mga akusado sina Sandra Martinez Cam (boluntaryong sumuko), Marco Martinez Cam, Junel Reyes Gomez, Bradford Fuerte Solus, Juanito Bustamante de Luna at Rigor Magallanes Dela Cruz.

Tinambangan umano ng grupo ang dating vice mayor ng Masbate sa Sampaloc, Manila at pagkaraan ang mga suspek ay mahigit isang taong nagtago ngunit kalaunan ay natuklasang ang utak sa krimen ay si Sandra Cam.

Sa pinatinding operasyon ng mga awtoridad, si Cambaya ay natunton at nadakip sa Brgy. Quinapagian, Mercedes, Camarines Norte.

Ang suspek ay pansamantalang nakadetine sa Mercedes MPS lock-up jail upang isalang sa tactical interrogation para sa pagdakip sa iba pang mga suspek.

Samantala, nadakip din ng mga tropa ni P/BGen. Estomo ang isang security guard na rape suspect na kinilalang si Raul Saysin Lim sa Brgy. Estancia, Malinao, Albay.

Makaraan ang isang buwang intelligence and surveillance operation ay positibong natukoy ang pinagtataguan ng suspek matapos umano nitong halayin ang isang Grade 9 pupil na kanyang pamangkin.

Ikinasa ang law enforcement operation ng mga tauhan ng PRO5 Malinao MPS sa tulong ng Provincial Police Intelligence (PUI) APPO, RIUR-PIT3, PIT4 at CIDG-Albay Provincial Field Unit na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. (JESSE KABEL)

151

Related posts

Leave a Comment