HINIMOK ng Commission on Elections (Comelec) ang night shift employees na samantalahin ang isasagawang Special Registration Anywhere program sa mga paliparan at malls.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, pagkakataon na ito para makapagparehistro ang mga panggabing empleyado tulad ng call center agents, upang makaboto sa mga susunod na halalan.
Ang mga night shift na empleyado ay maaaring magparehistro sa NAIA Terminal 1 at 3 mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
Gagawin din ito sa Robinsons Bridgetown sa Quezon City mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-12:00 ng hatinggabi at SM Aura sa Taguig mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi.
Ang Special Registration Anywhere program ay para sa sumusunod na applications: New Registration; Change of Name and Status; Correction of Entries; Reactivation of Registration Records; Transfer from Overseas to Local only.
Paalala ng Comelec, hindi maisasagawa ang transfer ng local registration records sa Special Registration Anywhere program. Kinakailangang magdala ng isang valid government-issued ID.
(JOCELYN DOMENDEN)
