CONSPIRACY THEORY SA KASO NI TONY YANG

BISTADOR ni RUDY SIM

NOONG nakaraang taon, September 19 ay hinarang at inaresto ang nakatatandang kapatid ni dating economic adviser Michael Yang na si Tony Yang sa Ninoy Aquino International Airport nang tangkain nitong lumabas ng bansa.

Inaresto si Yang ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), sa NAIA dahil sa pagiging undesirable alien nito dahil sa koneksyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Dahil sa lumalalang kalagayan nito sa kanyang kalusugan dahil na rin sa kanyang edad, hiniling ng kanyang mga defense lawyer na ito ay pansamantalang makalaya upang maipagamot, at inirekomenda ng BI- Board of Special Inquiry na pagbigyan ang kahilingan dahil hindi naman ito tatakas o banta sa national security ng bansa.

Matapos na pumalag ang chairman ng BI-BSI sa pakikialam ni Commissioner Joel Anthony Viado sa isang meeting noong Mayo 2 upang talakayin ang higit dalawang bilyong pisong budget ng pamahalaan sa E-Gates project, kung saan ay dinuro at pinagsisigawan ‘di umano ni Viado ang mga opisyales sa naturang meeting upang madaliin at tapusin na ang mga dokumento ukol dito, ay tila pinatamaan ni SOJ Boying Remulla ang opisyal na nakikialam? Teka hindi ba’t baliktad? Sino ba ang nagpumilit para tapusin agad ang dokumento? Mayroong Koryan ba rito na kumita o kikita pa lamang?

Bilang resbak ni Viado ay pinag-initan nito ang Chairman ng BI-BSI na si Atty. Gilberto Repizo at nagpalabas ng kanyang praise release noong June 15, na ayon kay Kume ay kanyang susuportahan ang isasagawang imbestigasyon ni Senator Sherwin Gatchalian kaugnay ng tangkang pagpapalaya ng BI kay Yang. Pero bakit kaya meow-meow nang meow-meow si Kume? Hindi ba’t siya rin ang pipirma ng order of bail kung sakali?

Ang hidwaan ng dalawang opisyales ng pamahalaan ay ang mga empleyado ang apektado rito dahil tila hindi inisip ni Kume na simula nang siya ay maupo sa puwesto ay bagsak ang koleksyon kaya’t ang tinamaan dito ay ang maliliit na mga tauhan na halos kalahati ng kanilang sweldo ay lagapak.

Kung matutuloy pa ang Senate inquiry ni Gatchalian ay sana masilip din ang mga POGO na mabilisang pinalaya ni Kume, isa na nga rito ay ang nahuli ng PAOCC sa Bagac, Bataan noong nakaraang taon, na ginawa ang bail order kahit hindi pa bayad ang resibo at hindi rin pinagbayad ang mga ito ng piyansa sa kadahilanang wala raw pera kuno ang POGO workers, kahit na ilang milyong piso ang nakuha sa kanilang vault sa naturang raid.

Tila nagkaroon ng sabwatan at mayroong kumita sa isang planadong pag-aresto kay Yang ng Pasay Police nitong July 10 lamang dahil sa kasong falsification of public documents, perjury at paglabag sa anti-alias law. Kung ating iisipin ay gumagana ang batas sa ating bansa pero wait a minute! Hmm… something smells fishy… English ‘yan ah, Kume.

Bakit biglang natahimik si Kume sa isyu ng kaso ni Tony Yang, anong meron?… Ang ikinaso sa kanya sa inilabas na warrant of arrest ng Pasay RTC, ay bailable o may piyansa at kapag nakapagpiyansa ay hugas-kamay si Kume? ‘Di ba ang ganda ng palabas ‘di halata? So, sino ang opisyal ng gobyerno para magplano ng ganitong kwentong pang pelikula lamang? Mayroon bang kumita rito ng daang manok? ABANGAN!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

8

Related posts

Leave a Comment