COVID-19 VACCINATIONS AABUTIN DAW HANGGANG 2025?

SA sobrang bagal daw ng isinasagawang pagbabakuna ng Pilipinas ay baka abutin daw ito ng hanggang taong 2025 bago matapos.

Napakarami raw kasing proseso na ipinatutupad ng mga namumuno sa pagbabakuna bago maturukan ang mga dapat bakunahan.

Tulad na lamang ng mga dapat ay may apps sa celphone, pagpapa-schedule sa pagbabakuna at iba pang proseso na masalimuot at kumplikado ang pagda­danan ng sinumang karapat-dapat bakunahan.

Hindi rin daw pupwede ang magwalk-in sa iba’t ibang mga vaccination area.

Inihahalimbawa tuloy ng iba na ang proseso ng pagbabakuna sa COVID-19 ay tulad sa pagkuha ng passport sa Department of Foreign Affairs (DFA).

May mga tinatawag pang mga priority list na tulad ng A1, A2, A3, A4 at maraming iba pa.

Bakit hindi na lang daw tanggapin ang gustong magpabakuna kahit yung walk-in na mga kababayan natin?

Ang Pilipinas ay may mahigit 100 milyong populasyon. At sa simpleng mathematics, kung mamimili at parang dadaan pa sa butas ng karayom ang pagbabakuna ay totoong hindi malayong sa taong 2025 o lagpas pa bago matapos ang COVID-19 vaccination.

Sa katunayan, sa mga frontliners na mga health workers nga lang na nasa priority list o nasa A1 na tinatawag, hanggang ngayon daw ay hindi pa tapos ang vaccination sa kanila.

Sa pagkakaalam ko, ang bilang ng mga health workers ay hindi naman aabot sa dalawang milyong pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang pagbabakuna. Bakit?

Sinimulan na rin na bakunahan ang mga senior citizens na dapat sana ay nasa 2nd priority list pero pati ito ay nagiging problemado dahil sa mahigpit na proseso.

Tinatayang mahigit kumulang sa sampung milyon ang mga senior citizens sa bansa ang dapat na mabakunahan.
Hindi naman sasabihin na walang supply ng bakuna na available ngayon dahil maya’t maya ay may dumarating na dosis nito mula sa China.

Sa pagtaya, umabot na ng mahigit kumulang sa 3 milyong dosis ang dumating na mga bakuna sa Pilipinas, mahigit isang buwan simula nang unang dumating ito sa bansa.

Pero bakit hanggang ngayon ay mahigit sa isang milyon pa lang ang nababakunahan?

Sa ganang akin, kung hindi babaguhin ang sistema na parang dumadaan sa butas ng karayom bago mabakunahan ang gustong magpabakuna, baka hindi lang taong 2025 ang aabutin bago ito matapos.

Ilang milyong Pinoy pa kaya ang mamamatay sa tagal nang kanilang hihintayin bago sila mabakunahan?

Sa bilis ng hawaan ngayon ng COVID-19 dahil sa mga bagong variant na naglabasan, baka lahat ng mga Pinoy ay may virus na, pero ang bakunahan ay hindi pa tapos?

‘Aanhin pa ang bakuna, kung wala na ang babakunahan?’

Kaya kung ang dahilan kaya mabagal ang pagbabakuna ay dahil sa mahigpit na proseso ay hindi maganda. Dapat baguhin na ang istilo at stratehiya para mapadali ito.

Isang oras lang na delay sa bawat araw na pagbabakuna, ilang Pinoy na ang mahahawaan ng COVID-19 at posibleng mamatay pa.

Buhay po ng ating mga kababayan ang nakataya dito hindi kung ano pa man. Kaya napakahalaga ng segundo, minuto at oras sa ginagawang pagbabakuna.

Wala tayong magagawa kung ang dahilan ng pagkamatay ay ang pag-aantay ng delivery ng bakuna, ‘wag lang mamatay sa pag-aantay dahil sa mabagal o mahigpit na proseso bago mabakunahan.

Pananaw tuloy ng mga gustong magpabakuna lalo na yung walk-in lamang ay parang ipinagdadamot sa kanila ang bakuna.

Maging praktikal po sana tayo, ‘wag po nating gawing kumplikado ang bakunahan.

Ang bawat patak ng kamay ng orasan (relo) ay napakahalaga ngayon sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa ating bansa.

Araw-araw ay hindi bumababa sa dating bilang ang mga Pinoy na nahahawaan ng sakit.

Marami na rin sa ating mga kakilala, katrabaho at kamag-anak ang iniwan tayo dahil sa bangis ng COVID-19 na ito.

Hindi natin alam kung sino na ang susunod, ikaw ba o baka ako?

Kaya ngayon pa lang gawin na natin ang ating makakaya para matalo natin ang COVID-19.

COVID lang siya, Pinoy tayo, kaya natin sya talunin.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

212

Related posts

Leave a Comment