NANAWAGAN si Gobernador Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na magpabakuna ng booster shot bilang karagdagang proteksyon sa COVID-19 kasabay ng pagharap ng lalawigan sa tumataas na bilang ng mga positibong kaso.
“Nananawagan po ako sa ating mga kalalawigan na huwag nang hintayin na lumala pa ang sitwasyon ng COVID bago tayo umaksyon. Bukas po ang ating mga vaccination sites upang makapagpa-booster tayo, at bigyan ang ating mga sarili ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19,” wika ni Fernando.
Ang panawagan ay bunsod ng naitalang 660 aktibong kaso sa Bulacan noong Hulyo 18 habang nasa kabuuang 110,617 ang beripikadong kaso ng COVID-19 kabilang ang 108,225 na recovered at 1,732 na namatay sa nasabing virus.
Ayon kay Fernando, noong Hunyo ay 35 kaso lang ang pinakamababang naitala sa lalawigan at ngayon ay unti-unti na naman aniyang lumolobo ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID.
Ayon sa ulat ni Provincial Health Officer II, Dr. Hjordis Marushka B. Celis sa gobernador, nakapagbakuna na ang pamahalaang panlalawigan ng kabuuang 5,817,152 bakuna kontra COVID at 701,390 lamang dito ang booster shots.
Binanggit din niya na 2,494,501 o 82.76% ng eligible na populasyon ang kumpleto na ang bakuna laban sa COVID-19.
Samantala, ibinahagi rin ni Celis na kasalukuyang ipinatutupad ng Bulacan Medical Center ang Appointment System upang maiwasan ang pagdagsa ng mga pasyente sa Out-Patient Department at mailayo sila sa posibilidad ng pagkalat ng virus.
Maaaring tumawag ang mga Bulakenyo sa BMC Hotline sa (044) 482-4207 o magparehistro sa OPD Online Appointment sa www.facebook.com/BMCOPDKonsulta
upang makapag-iskedyul ng pagbisita sa ospital mula Lunes hanggang Sabado.
Paalala ng PHO, tatanggapin ang mga emergency na kaso sa ospital, 24-oras kada araw. (ELOISA SILVERIO)
