COVID TRANSMISSION SA SCHOOLS BUBUSISIIN NG DEPED, DOH

MAKIKIPAG-UGNAYAN ang kampo ni Department of Health OIC Maria Rosario Vergeire sa Department of Education ( DepEd ) ukol sa umano’y COVID-19 transmission sa mga eskuwelahan simula nang magbalik ang face-to-face classes.

Ayon kay Vergeire, handa na silang makipag-ugnayan sa DepEd upang  mapagsama-sama  at mapag-isa ang datos dahil ang kanila aniyang reporting ay hindi pa rin kumpleto sa ngayon.

“Inaayos po pa nila ‘yung reporting nila– so ‘yung kanilang numero or statistics that they have right now is under reported,” sabi ni Vergeire sa press briefing.

Dagdag pa nito, ibinabase ng DoH ang kanilang talaan kung saan nakikita at kung ilan na ang nagkakasakit sa mga age group ng mga bata.

“Sa ngayon wala pa ho tayong maibigay na accurate na number, hindi po tayo magpapalabas hanggang hindi po natin hina-harmonized with DepEd ang ating mga statistics,” paliwanag ni Vergeire.

Inaasahan naman aniya na nariyan lang ang mga kaso bagama’t hindi naman malubha ang sakit ng mga kabataan.

“Mayroon pong transmission na nangyayari pero napuputol naman po agad because our surveillance or safety officers in school– so namo-monitor agad nila and as soon as they identify a patient or a learner na may sakit ay pinapauwi at nire-refer sa kanilang local government units para ma-manage na at mino-monitor ang close contacts,” aniya pa.

Muli namang hinikayat ni Vergeire ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak dahil ang pangunahin pa rin aniyang panlaban ng mga estudyante kontra sa virus ay ang bakuna.(RENE CRISOSTOMO)

240

Related posts

Leave a Comment