LAGUNA – Para kaalaman ng mga hindi pa bakunando o ayaw pang magpabakunang indibidwal, ipinatutupad na sa mga bus company sa Laguna na may rutang patungong National Capital Region (NCR), ang no vaccine, no ride policy bilang pagsunod sa mga alituntuning ipinatutupad ng Metro Manila Council.
Maging ang Jac Liner Bus company ay may inisyatibo na kailangang ipakita muna ang vaccination card ng mga pasahero bago sumakay sa pampublikong sasakyan upang makasigurong maprotektahan ang ibang pasahero.
Ipinatutupad din ang nasabing polisiya ng kanilang sister bus Company na LLI na may biyaheng Biñan City patungong Makati City at biyaheng Santa Cruz patungo sa Quezon City.
Ayon sa Resolution 22-01, ang unvaccinated na mga indibidwal ay pinagbabawalang bumiyahe sa pampublikong sasakyan sa lupa, dagat o panghimpapawid man.
Nilinaw naman ng Land Transportation Office Region 4-A na hindi nito ina-adopt ang polisiya sa publiko sa buong Calabarzon hangga’t wala itong pag-apruba ng Inter-Agency Task Force.
Ito ay bagamat tinatalakay na rin ng Regional Task Force Against COVID-19 Calabarzon sa mga lokal na pamahalaan ang pag-adopt sa ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority sa lahat ng mga hindi pa nababakunahan ng kontra COVID-19.
Samantala, pinag-iisipan na ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna ang limitahan ang galaw ng mga indibidwal na hindi pa bakunado dahil sa muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19, ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng Laguna Provincial Health Office.
Naitala ang 110 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Calamba, sunod ang Sta. Rosa, San Pablo, Biñan, Cabuyao, at Los Baños na may tig-85 active cases.
Pumalo na sa 697 ang active cases noong Huwebes, Enero 6, 2022.
Kaugnay nito, nag-umpisa nitong Enero 7 ang pagpapatupad ng curfew mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.
Maging ang liquor ban ay muling ipinatupad at mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa matataong lugar upang maiwasan ang patuloy na hawaan sa coronavirus.
Matatandaan noong Disyembre 25, nasa 27 lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Calamba ngunit nang pumasok ang taong 2022 ay halos nagtriple ang bilang na umabot sa 110.
Nitong Enero 7 hanggang 15 ay inilagay na sa Alert level 3 status ang Laguna. (CYRILL QUILO)
279 