CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ISANG porsyento na lang ng mga taga Davao City ang nagtitiwala kay Presidente Ferdinand Marcos, Jr.
Base ito sa survey na isinagawa ng Institute of Popular Opinion (IPO) ng University of Mindanao mula Hunyo 7-13, 2023.
Sumadsad at halos mabokya si Marcos, Jr. na noong isang taon ay kumabig ng 49.5% net trust rating.
At sa kanyang balwarte, natikman din ni VP Sara Duterte ang pagdausdos ng kanyang net trust rating, na mula sa 78.1% noong 2022 ay sumirko sa 46% nitong 2023.
Isinagawa ang survey upang mabatid ang kamalayan at tiwala ng Dabawenyos sa mga pambansang lider.
Ang numerong halos maging itlog at ang numipis na pigura ay nagpapahayag lamang na dismayado na ang karamihan sa mga ginagawa at pamamalakad ng dalawang nangungunang lider ng bansa.
Hindi kaya ang mataas na presyo ng mga bilihin, korapsyon, mga pasmadong programa at iba pang panandaliang ginhawa ng mga programa ang humila kay Marcos Jr. sa nakaaalarmang numero ng nagtitiwala?
Malamang, kundi man hinala o haka-haka tungkol sa pamamalakad sa edukasyon at pagkahirati sa pagre-red-tag naman ang naglaglag kay Sara.
Sabagay, kaya itong tapatan at takluban ng mga survey na laging paborable sa dalawa. Survey na pangnasyonal pa.
Nahihilot naman ang pilay, ika nga.
**Nauwi sa kaSONAngalingan**
Sonata of love sana ang pinakikinggan ngunit ang rumerepeke sa pandinig ay kuliglig ng katatapos na SONA.
Ang State of the Nation Address (SONA) ay ang paglalahad ng pangulo ng Pilipinas ng kalagayan ng bansa. Inilalatag ng pangulo ang mga dapat pagtuunan ng pansin, ang mga problema at solusyon.
Kung wawariin ay talumpati lamang ang SONA. Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng sesyon nito, alinsunod sa Konstitusyon.
Ngunit ang putahe ng talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay kulang na nga sa sustansya at rekado ay may palaman pa ng pambobola, layuning ‘to the moon’ at may bahid ng SONAngaling.
Unahin natin ang bumaba na raw ang presyo ng bilihin sa bansa.
Saang datos ito kinuha? Dahil sa Kadiwa? Ang presyo sa merkado ang totoong sukatan na hindi bumababa ang presyo ng mga bilihin. Hindi ang Kadiwa na ilan lang at hindi naman nararating ng karamihan. Hanggang saan aabot ang pisi ng Kadiwa para matustusan ang kailangan ng mamimili?
Isang araw matapos ipagmalaki ng Pangulo na kaya ng gobyernong ibaba ang presyo ng mga bilihin, kumambyo ang pinuno ng isang ahensya.
Aniya, ang presyo ng maraming bilihin ay nananatiling mataas. Upang mapigilan ang implasyon ay dapat bawasan ang gastos sa transportasyon at pataasin ang produksyon ng pagkain.
Uhmm.. pati presyo ng mga bilihin ay dinadaya na rin.
Bilang na ang araw ng mga sindikato at smuggler. Parang narinig na ‘to noon pero wala namang nangyari.
Hindi kukunsintihin ang korapsyon at incompetence, pero hinahayaan lang kaya lumalala.
Sasaludo ang karamihan sa gobyerno kung bibigyan talaga ng aksyon at solusyon ang pangakong pagkakalooban ng amnestiya ang mga rebeldeng nagbalik-loob, ipaglalaban ang kapakanan ng mga OFW at mga marino. Maraming plano na kailangan ay hindi lang drawing.
Kaso, baka ang SONA ay ‘speak only no action’ o kaya ‘speech only no accomplishment’.
Alam naman natin malikot ang utak ng mga Pinoy, na nakatutuwaang paglaruan at rambolin ang mga kataga at salita.
Ang pinakalundo ng SONA ay dumating na ang Bagong Pilipinas.
Dumating mula saang pinanggalingan. Ibig bang sabihin zero o bokya ang administrasyon sa unang taon kaya kailangang bago na ang bansa. Umpisa uli sa pagkamot?
Kung gayun Bigong Pilipinas ang nangyari sa unang 12 buwan ng panunungkulan ni Marcos, Jr.
Tuloy, Gising Pilipinas ang sigaw ng mga nabwisit kaya ang ganting upak ay ang mambuska at magpatutsada.
Bagong Pilipinas na sasandal sa logo. Logo lang ata ang binago.
