Dagdag benepisyo sa mga nasa 4Ps P50K YEARLY ALLOWANCE SA COLLEGE STUDENTS IPOPORMA

TATANGGAP ng P50,000 kada taon bilang allowance ang mga estudyante sa kolehiyo na kabilang sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ang batas para rito ay muling itutulak sa susunod na Kongreso upang masiguro na makatatapos hanggang kolehiyo ang mga anak ng 4Ps beneficiaries.

Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, muli nitong ihahain ang kanyang ” Allowance is Essential Bill” para sagutin ang allowance ng mga anak ng 4Ps beneficiaries matapos itong hindi maaksyunan sa 19th Congress.

Sa ilalim ng nasabing panukala, tatanggap ng tig-P5,000 kada buwan o P50,000 sa bawat taon ang bawat anak ng 4Ps beneficiaries na naka-enroll sa State Universities and Colleges (SUCs).

Sa ngayon ay libre ang tuition sa mga SUC subalit maraming anak ng mahihirap ang hindi nakapagpapatuloy o tumitigil sa pag-aaral dahil walang allowance sa kanilang pagpasok araw-araw.

“Kung tutuusin, garantiya natin ‘yan para hindi mag-drop out ang mga students. Gusto natin tuloy sila sa pag-aaral hanggang grumaduate para di na nila manahin yung kahirapan,” ayon pa sa mambabatas.

Ang tanging sakop ng 4Ps ay mga anak ng mahihirap na pamilyang Pilipino na nag-aaral sa elementary hanggang high school subalit pagtuntong ng mga bata sa kolehiyo ay hindi na sagot ng gobyerno ang kanilang subsidy.

Dahil dito, sinabi ni Cendaña na kailangang maipasa ang nasabing panukala sa susunod na Kongreso upang matulungan ang mga anak ng mahihirap na pamilya na makatapos at maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan.

“Malaking kaginhawaan yung kaunting baon para makapag-focus sila sa pag-aaral imbes na mag-alala pa kung saan kukuha ng pang-gastos sa school projects, school supplies, pagkain at pang-commute ang mga estudyante,” ayon sa kongresista.

Nanghihinayang ito dahil hindi umusad sa katatapos na 19th Congress ang nasabing panukala.

“Sakto sana ngayong opening ng classes may pambili ng school supplies at ibang gamit ang mga students natin. Pero makakaasa ang mga youth and students natin na priority ito ng Akbayan sa parating na 20th Congress,” dagdag pa nito.

(BERNARD TAGUINOD)

11

Related posts

Leave a Comment