MULA sa P200 milyong panukalang alokasyon na emergency fund sa susunod na taon para sa electric cooperatives, nagpahayag si Senador Win Gatchalian ng suporta na dagdagan ang ilalaang gastusin sa ilalim ng Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF).
Itinatag ang ECERF bilang isang standby fund upang may mapagkunan ng pondo ang electric cooperatives (ECs) para sa mga gastusin nila tulad ng pagkukumpuni ng mga putol na linya ng kuryente at pagsasaayos ng mga pasilidad sa tuwing may mga kalamidad. Ang naturang pondo ay nasa pangangasiwa ng National Electrification Administration (NEA).
Humihingi ang NEA ng P1.2 bilyon na alokasyon para sa ECERF sa susunod na taon o mas mataas ng 500% sa halagang ipinapanukala sa 2022 national budget. Ang alokasyon para sa kasalukuyang taon, ayon sa NEA, ay natanggap lamang nila nitong Agosto matapos ipalabas ang Special Allotment Release Order (SARO).
“Bigyan nyo kami ng basehan kung bakit kailangang bigyan kayo ng P1.2 bilyon at hahanap kami ng pera. Kailangang mabigyan ng katwiran ang halagang hinihingi ninyo. Gusto rin kasi naming masiguro na may sapat na pondong nakalaan para sa ECERF,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng NEA sa nakaraang pagdinig sa Senado sa panukalang budget ng ahensya.
“Importante ang item na ito dahil taon-taon ay nakakaranas tayo ng bagyo at ang mga ECs ang isa sa mga madalas na apektado. Karaniwang naiiwang sira ang mga poste o linya ng mga kuryente tuwing may dumadaang bagyo dito sa atin,” aniya.
Sa nasabing pagdinig, napagtuunan ng pansin ng Senate Energy Committee chairman ang kakarampot na alokasyon para sa ECERF na may paunang P750 milyon na pondo nang isabatas ito noong 2018.
Ang panukalang pondo sa ECERF para sa 2022 ay nasa P200 milyon lamang. (ESTONG REYES)
160 