FACE SHIELD AYAW BITIWAN NG DOH

HUMIRIT pa ng isang linggong palugit ang Department of Health (DOH) sa Inter Agency Task Force (IATF) para patuloy na pag-aralan ang guidelines kaugnay sa paggamit ng face shield.

Sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na sa gitna ng mga rekomendasyon na alisin na ang paggamit ng face shield sa mga ipinatutupad na health protocols, lalo at bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay marapat na pag-aralan pa rin ito.

“Iyon pong face shields pinag-usapan din po kahapon sa IATF at nag-manifest po ang Department of Health na bigyan pa kami ng isang linggo para patuloy na pag-aralan,” ani Usec Vergeire.

Pagtiyak nito, kaya naman nila inirekomenda ang paggamit nito noon ay dahil nagkaroon ng basehan at ebidensya sa bisa nito.

“Ito pong face shield noong atin pong inirekomenda, ginamit po natin ang ebidensiya at basehan na binigay po ng ating mga eksperto. We have the leading CTG group na continuously evaluating therapeutics, diagnostics at saka ito pong mga face shield at face mask, kung ano po ang dulot nito na benepisyo para sa ating kababayan with regard to protection against COVID-19,” ani Usec Vergeire.

Sa ngayon aniya, isinasailalim nila itong muli sa ebalwasyon at sa oras na lumabas na ang resulta nito, ay agad naman silang magkakaroon ng angkop na rekomendasyon sa IATF.

“So ngayon po niri-reevaluate nila lahat ng existing evidences at ‘pag lumabas na po ito, magkakaroon na po tayo nang appropriate recommendation for the face shields,” aniya pa rin.

Sinabi pa nito na sila naman sa DOH ay suportado rin ang pagluluwag ng mga restriksyon, ngunit kailangan lamang ng ebidensya o pag-aaral, upang maging buo ang kanilang gagawing rekomendasyon.

“Pero definitely the Department of Health supports naman po ito pong ease ng mga proteksiyon katulad ng mga face shield dito po sa mabababa ang transmission. Kailangan lang po natin ng ebidensiya para mas mabuo po natin ang ating rekomendasyon sa IATF.” ang pahayag ni Usec. Vergeire. (CHRISTIAN DALE)

213

Related posts

Leave a Comment