MALAKING bahagi ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ay mula sa karatig na mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan. Sila yaong kailangan pang gumising nang maaga para mag-abang ng sasakyang bus paluwas ng Metro Manila patungo sa lugar kung saan nakabase ang kumpanyang pinapasukan nila.
Karamihan sa kanila, minimum wage earners na nagtitiyagang bumiyahe para makapagtrabaho at may maitustos man lamang sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Ang problema, tila nais pang dagdagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pasakit sa mga probinsyanong manggagawa. Dangan naman kasi, sa halip na makatipid, mas lalaki pa ang kanilang gastusin sa pamasahe dahil sa pinaiiral ng “window hours” sa provincial buses.
Sa ilalim ng polisiya ng MMDA at LTFRB, lahat ng provincial buses ay pwede lang magbaba at magsakay ng pasahero sa North Luzon Express Terminal (NLET) sa Bocaue, Bulacan at sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa gawing timog ng Kalakhang Maynila.
Walang masama sa intensyong bigyang solusyon ang mabigat na daloy ng mga trapiko sa Metro Manila. Ang masama ay ang epektong dulot ng polisiya sa mga obrerong kinakailangan pang mamasahe nang bukod patungo sa kanilang pinagtatrabahuan mula sa PITX kung saan lang sila pwedeng bumaba – at panibagong pamasahe na naman mula sa kani-kanilang trabaho pabalik ng PITX kung saan lang pwedeng magsakay ang provincial buses patungo naman sa karatig na mga lalawigan kung saan nakatira ang mga manggagawang hapong-hapo sa maghapong pagtatrabaho.
Ang siste, nang naglabas ng kanya-kanyang saloobin ang mga apektadong manggagawa, nagturuan ang dalawang ahensya.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, tagapagpatupad lang sila ng polisiya ng LTFRB sabay giit na hindi sila ang dapat puntiryahin lalo pa’t sila ang nakiusap sa naturang ahensya na pahintulutan ang provincial buses na gamitin ang EDSA – mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 kinabukasan ng umaga.
Nakupu, utang na loob pa pala ng mga manggagawa sa MMDA ang perwisyong dulot ng “window hours” na mahigpit na ipinatutupad sa provincial buses sa Metro Manila.
Kung tutuusin, hindi magdudulot ng karagdagang pagsisikip ng trapiko kung hahayaan ang provincial buses na pumasok sa kanilang mga terminal sa EDSA para magbaba at magsakay ng mga pasaherong patungo sa kanilang mga trabaho sa umaga at pauwi sa kanilang tahanan pagsapit ng hapon.
Malinaw ang motibo ng restriksyon. Bigyang kita ang PITX. ‘Yun lang at wala nang iba pa.
