(NI BERNARD TAGUINOD)
SA halip na tubig ay perwisyo umano ang nag-uumapaw sa mga customers ng Manila Waters, kaya’t iginiit ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na singilin ng dagdag na debate ang Manila Water.
Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus ang paggiit sa dagdag rebate matapos muling mapuwerhuwisyo ang mga customers ng Manila Water nang may nabutas umanong tubo sa Quezon City.
Ayon kay De Jesus, nag-uumapaw umano sa kapalpakan at perwisyo ang Manila Water dahil sa kabiguang tuparin ang pangakong ibalik sa normal ang serbisyo nito pagkatapos ng eleksyon.
“Sagana sa perwisyo itong Manila Water habang wala pa ring maayos na suplay sa tubig ang libu-libong kabahayan sa Quezon City at iba pang bahagi ng Metro Manila. Dapat dagdagan ang rebate na ibibigay nito sa mga apektadong customer,” ani De Jesus.
Nauna nang sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magkakaroon ng rebate na aabot sa P2,197 ang bawat customers ng Manila Water na labis na naapektuhan sa water interruption noong Marso.
Subalit, ayon kay De Jesus, hindi umano ito sapat at kailangang singilin pa ng karagdagang rebate ang Manila Water dahil marami pa rin umano ang mga customers ng mga ito patuloy na napeperwisyo.
