(NI BETH JULIAN)
INAASAHANG tatalakayin sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa kanilang bilateral meeting sa Tokyo ang isyu ng South China Sea.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Office of Asian Pacific Affairs Assistant Secretary Meynardo Montealegre, hindi lamang usapin ng South China Sea ang maaaring mapag-usapan ng dalawang lider kundi maging ang Korean Peninsula.
Sinabi ni Montealegre na kasama sa agenda ang paghahanap ng mapayapang paraan o resolusyon sa isyu ng territorial dispute.
Ayon kay Montealegre, nakatakdang magbigay ng keynote adress si Pangulong Duterte kaharap ang iba pang lider ng Malaysia, Bangladesh, Cambodia, Laos, Vietnam at Singapore, gayundin ang iba pang mga minister mula sa iba pang bansa.
Matatalakay din ang usapin ng pagpapadala ng Pinoy skilled workers sa Japan.
May nauna nang pahayag si Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na nagsabing may mga letters of intent silang naisasara sa pagitan ng ilang malalaking kompanya sa Japan.
Ito na ang ika-pitong beses nang pagtungo at makahaharap sa bilateral meeting ni Pangulo ng Duterte ang Punong Ministro ng Japan mula noong 2016.
Sa susunod na Linggo nakatakdang bumiyahe ang Pangulo sa Japan para dumalo sa 25th International Conference on the Future of Asia sa Tokyo na gaganapin sa May 30 hanggang 31.
Ang nasabing meeting ay taunang pulong sa Tokyo kung saan nagtitipun-tipon at nagpupulung-pulong ang iba’t ibang pamahalaan at business leaders para pag usapan ang magiging direksyon ng Asya.
142