LAGING namumutawi sa bibig ng mga matatanda sa Cagayan ang katagang “Dakal nga Bisin Yaw” kapag nagkakaroon ng “ziwat” o malawakang pagbaha sa lalawigan at lunurin ang mga pananim.
Ang katagang “Dakal nga Bisin Yan” ay Itawes dialect na ang ibig sabihin sa Tagalog ay “Malaking Gutom Ito” dahil ang inaasahan ng mga tao na pagkukunan ng kanilang makakain araw-araw ay sinira ng baha.
Hindi biro ang pinagdaanan ng mga Cagayanos at Isabelanos o taga-Isabela nitong mga nakaraang mga araw matapos malunod ng baha ang lalawigang ito na isinisisi sa Magat Dam.
Ang paligid ng Cagayan River ay mga agricultural land. Dito nanggagaling ang malaking porsyento ng kabuhayan at kinakain ng mga Cagayanos araw-araw pero dahil sa malawakang pagbaha ay nasira ang lahat ng pananim.
May mga pananim naman sa mga upper land tulad ng palay at gulay pero naapektuhan din sa walang tigil na pag-ulan dulot ng sunod-sunod na bagyong dumating at nakaaapekto sa Luzon.
Hindi pa puwedeng magtanim ang mga tao dahil maputik pa ang mga bukid. Kailangang patuyuin ng konti, saka aararuhin para ihanda at taniman ulit.
Sa tantiya ng mga magsasakang naka-usap ko, baka sa Disyembre pa sila puwedeng magtanim kung wala ng bagyong darating pa.
Kung wala ng aberya at makapagtanim na ang mga tao sa unang linggo ng Disyembre, ibig sabihin sa Enero pa sila puwedeng mag-ani ng mga gulay habang sa Marso naman mag-aani ng mais at palay.
Yan ay kung may natira pang puhunan ang mga magsasaka para sa pagtanim dahil alam naman natin lahat na hindi lang ang kanilang kabuhayan ang nawala kundi ang kanilang mga ari-arian na nilubog ng baha.
Ibig sabihin, medyo mahaba ang pagtitiis ng mga Cagayanos bago sila makabawi at ang pagtitiis na ito ay nangangahulugan ng gutom. Mahaba-habang gutom, malawakang gutom. “Dakal nga bisin” talaga.
Ngayon, kailangan ng tulong ng national government.
Hindi puwede yung sinasabi ng isang senador na ‘huwag iasa lahat sa gobyerno” dahil “hindi kaya ng gobyerno” ang lahat ng problema.
Dapat tulungan ang mga magsasaka para magkaroon sila ng binhi. Yung mga tunay na magsasaka ha.
Lahat ng magsasaka, walang dapat piliin, walang pinapaboran porke malapit kay Municipal Administrator, kay Mayor, kay Vice Mayor o mga konsehal.
Karaniwang nangyayari kasi na tuwing may mga ayuda ang national government, ang nakikinabang lang ay yung mga may koneksyon sa munisipyo at sa mga barangay captain.
Sila ang nakakakuha ng mas maraming binhi at abono na bigay ng national government pero ang mga walang wala talaga ay napilitang mangutang para lang makapagtanim.
Kailangan ding paigtingin ang peace and order dahil sa ganitong situwasyon marami ang gumagawa ng krimen, marami ang kumakapit sa patalim.
Ibig sabihin marami ang nakawang mangyayari.
Sabi nga ni Erap, ang mga taong gutom walang kinikilalang batas.
Hindi natin sila kinokonsinti pero dapat silang pigilan at magagawan lang yan kung maging pro-active ang mga municipal police.
Lord Kayo na Po ang Bahala.
