DALAGA PATAY SA RATRAT SA CALAMBA CITY, LAGUNA

LAGUNA – Patay ang isang 24-anyos dalaga matapos pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Purok 6, Brgy. 2-Tibag, Calamba City, nitong Huwebes.

Kinilala ang biktimang si Elexandrea, residente sa nasabing lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Calamba City Police Station, dakong alas-3:45 ng hapon, nag-uusap ang biktima at ang suspek nang bigla na lamang barilin ang dalaga nang dalawang beses.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek.

Isinugod ng isang concerned citizen ang biktima sa Jose P. Rizal Memorial Hospital ngunit hindi umabot nang buhay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek na inilarawang nakasuot ng itim na baseball cap, puting T-shirt, berdeng jacket, at gray shorts nang isagawa ang krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

143

Related posts

Leave a Comment