EDITORIAL
ANG nangyari sa Turkey at Syria ay pwede ring mangyari sa Pilipinas. Ang sinapit ng Morocco ay maaari ring sapitin ng Pilipinas.
Libo-libo ang naitalang nasawi dahil sa magnitude 7.8 na lindol sa Turkey at Syria noong Pebrero.
Tinatayang nasa 3,000 naman ang nasawi sa 6.8 magnitude earthquake na yumanig sa Morocco nitong Setyembre 8.
Ngayon, uminog muli ang tanong – paano kung ang palagay na mapaminsalang Big One ay tumama sa Pilipinas? Handa ba ang Pilipinas para sa The Big One?
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) chief, mas handa ang Pilipinas sa posibleng Big One na lindol dahil sa pinalakas at patuloy na public awareness mula sa regular na governmental drill. Kumpiyansa si Teresito Bacolcol sa kahandaan ng bansa dahil sa regular na earthquake drills na isinasagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kada tatlong buwan.
Nakikipag-ugnayan din ang Phivolcs sa mga ahensya ng pamahalaan at local government units (LGUs), upang magpatupad ng mga hakbang para mabawasan ang epekto ng lindol. Kabilang dito ang tiyakin na ang bagong tayong mga gusali ay tumugon sa Building Code requirements para matagalan ang malakas na lindol.
Pinayuhan din ang publiko na panatilihin ang emergency bags na may pagkain at gamot sa loob ng hindi bababa sa tatlong araw.
Ang ilang LGUs, tulad ng Quezon City, Makati City, Pasig City, at Muntinlupa City, ay gumawa ng paraan para hikayatin ang mga residente na nakatira malapit sa West Valley Fault (WVF) na lumipat ng tirahan.
Ayon kay Bacolcol, ang West Valley Fault ay may kakayahang mag-generate ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude batay sa pag-aaral noong taong 2004.
Maaaring mamatay ang may 34,000 at masaktan ang may 114,000 kung tatama sa Kalakhang Maynila ang 7.2 magnitude na lindol. Ito ay batay sa Earthquake Impact Reduction Study for Metro Manila na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency para sa Metro Manila Development Authority at Phivolcs.
Malaking tulong ang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para maging handa ang publiko sa posibleng pagtama ng malakas na lindol.
Hindi natin alam kung kailan tatama ang malakas na lindol kaya nararapat na tayo ay palaging handa sa mga nakaambang kapahamakan at sakuna para sa kaligtasan.
Ngunit, kailangan dagdagan at paigtingin ng pamahalaan ang iba pang hakbang sa paghahanda sa mapaminsalang Big One.
