DATING USEC SEBASTIAN, SINUPALPAL NI ZUBIRI

SINUPALPAL ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang depensa ni dating Agriculture Undersecretary Leo Sebastian sa naging desisyon nito sa pag-iisyu ng Sugar Order No. 4 kaugnay sa pag-aangkat ng 300,000 metric tons ng asukal.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Sebastian na ang kanyang desisyon ay batay sa mga datos na noong Hulyo pa ay tumataas na ang presyo ng asukal dahil sa napipintong kakapusan ng suplay.

Sa pagtaya ni Sebastian nang mga panahong iyon ang suplay ng asukal ay posibleng umabot na lamang sa katapusan ng Agosto.

Kinontra naman ito ni Zubiri sa pagpapakita ng mga video at photos ng mga bodega na punong-puno ng mga asukal na sa hinala ng senador ay itinatago upang magkaroon ng artificial shortage.
Katunayan, sinabi ng senador na may mga makina pang nakita sa mga warehouse para i-convert ang mga import sugar bilang local sugar upang makaiwas sa import tax.

Iginiit naman ni Sebastian na batay sa kanyang impormasyon kahit ilabas ang mga nabanggit ni Zubiri na suplay ng asukal ay magkakaroon pa rin ng shortage dahil September o October pa magsisimula ang milling.

Muli itong kinontra ni Zubiri sa paggiit na batay sa pahayag ng mga stakeholder ay nagsimula na ang milling at kung lulusot ang importasyon ng 300,000 metric tons na asukal ay babaha ang suplay na makaaapekto sa mga magsasaka.

Samantala, sa pagtatanong din ni Zubiri, kinumpirma ni Sugar Regulatory Administration deputy administrator for legal, Atty. Guillermo Tejida III na hindi dumaan sa kanila ang sugar order no. 4.

Wala anyang approval ng board ang kautusan na alinsunod sa proseso ay dapat munang dumaan sa kanila.

Sa unang bahagi ng pagdinig, inamin ni Sebastian na nilagdaan niya ang sugar order no. 4 sa pag-aakalang aprubado na ni Pangulong Bongbong Marcos ang rekomendasyon para sa importasyon at lumagda siya batay sa memorandum order na inilabas ni Executive Secretary Vic Rodriguez na nagbibigay kapangyarihan sa kanyang magdesisyon.

Dito rin siya kinondena ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa paggiit na maraming namamatay sa maling akala. (DANG SAMSON-GARCIA)

136

Related posts

Leave a Comment