‘DAVAO GROUP’ PASOK DIN SA MANILA BAY RECLAMATION

(FERNAN ANGELES)

SA gitna ng kabi-kabilang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga katiwalian sa pondong pantugon sa pandemya, pati mga kontrata para sa Manila Bay reclamation ay iginawad ng administrasyon sa mga kaalyadong kapitalistang nabibilang sa tinatawag na Davao Group.

Sa libo-libong proposals na tinanggap ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na pinamumunuan ni Atty. Janilo Rubiato – isa ring taga-Davao, tanging mga kumpanyang kontrolado ng kontrobersyal na sina Dennis Uy at Charlie Gonzales ang inaprubahan ng nasabing tanggapan.

Nasungkit na rin ng Udenna Development Corporation ni Uy, Ulticon Builders ni Gonzales at ng China Harbour Engineering Company Limited ang Notice to Proceed para Phase 1 o katumbas na 265-ektaryang reclamation project sa Manila Bay na sakop ng Pasay City. Tulad ni Rubiato, kapwa taga-Davao din sina Uy at Gonzales.

Ang lahat ng ito’y inaprubahan ng gobyerno pagkatapos ng kontrobersyal na biyahe ng Pangulo sa bansang Tsina noong 2017, kasama ang mga negosyanteng Tsino at mga alipores na sina Uy, dating presidential economic adviser Michael Yang, Senador Bong Go at iba pa para dumalo sa One Belt, One Road Forum.

Nasundan pa ito ng ilang mga biyahe sa Tsina kabilang ang ilang mga negosyante na naghain din ng kanya-kanyang proposal para sa malawakang Manila Bay Reclamation.

Balatan natin ang mga kapitalistang ito. Gaano nga ba sila kalapit sa Palasyo?

DENNIS UY

Base sa datos na laman ng mga dokumentong isinumite sa Commission on Elections (Comelec), si Dennis Uy ay isa sa mga malaki ang ambag sa kampanya ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte nang ito’y kumandidato bilang Pangulo noong taong 2016.

Nang maupo si Duterte sa Palasyo, namayagpag si Uy gamit ang impluwensyang sukli ng pangulo sa suportang nakuha noong ito’y kandidato. Paniwala ng marami, ito rin ang dahilan kaya nagawa nitong makapangutang sa iba’t ibang bangko ng tumataginting na P16 bilyon gamit ang government guarantee bilang kolateral.

Sa ilalim ng government guarantee, ang gobyerno (gamit ang perang nalikom mula sa buwis) ang ipambabayad sa pinagkakautangan sa sandaling hindi magbayad si Uy.

Sa panunungkulan din ni Duterte nagawa ni Uy na makopo ang 90% controlling stake ng Malampaya power plant sa karagatang sakop ng Palawan. Pinamumunuan din ni Uy ang Dito Telecommunity na pinaboran ng gobyernong noo’y naghahanap ng 3rd Telco laban sa mga oligarko sa likod ng Smart at Globe telecoms.

Nahaharap din sa kasong oil smuggling si Uy kasama ang isang Jorlan Cabanes at iba pa. Pero dahil sa impluwensya, natulog ang asunto sa Korte Suprema kung saan pawang Duterte appointees ang mahistrado – maliban sa dalawa, sina Associate Justice Marvic Leonen at Benjamin Caguioa.

CHARLIE GONZALES

Minsan nang pinasaringan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez si Gonzales. Aniya, nakasandal ito sa pader. Katunayan aniya, hindi bababa sa P2 bilyong halaga ng infrastructure projects ang nasungkit nito sa Mindanao – kabilang ang Davao City.

Kabilang sa kanyang nakorner na kontrata ang P700 milyong halaga ng proyekto para sa bahagi ng Surigao-Davao Oriental Coastal Road, P300-million contract para sa isa pang bahagi ng Surigao-Davao Oriental Coastal Road, P880 milyon para sa tatlong magkakaibang proyekto sa Compostela Valley, P319 milyon naman para sa isang proyekto sa Bukidnon.

Siya rin ang tatay ni MARINO Party-list Congressman Carlo Lisandro Gonzales na kailanman ay hindi naging seaman o overseas contract worker na kanyang kinakatawan sa Kamara. Si Congressman ay Vice President at Chief Operating Officer ng Ulticon Builders – bukod pa sa malapit umano ito kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

MISTERYOSONG TSINO

Sino nga ba ang agresibong nagsulong at nagbulong sa pagpasok ng China Harbour Engineering Company (CHEC)?

Sa pagsasaliksik, lumalabas na ang CHEC ay isang subsidiary company na ginagamit ng China Communications Construction Company (CCCC) na una nang isinama ng World Bank at Estados Unidos sa mga blacklisted companies kaugnay ng fraud at bribery.

Base sa mga nakalap na dokumento, blacklisted ang naturang kumpanyang Tsino dahil sa panunuhol sa mga opisyal ng Bangladesh para sa isang proyekto noong 2009.

Kasama rin ito sa mga kumpanyang klasipikadong blacklisted sa Estados Unidos.

Pero dahil sa husay na ipinamalas nito nang gumawa ng mga artificial island sa pinag-aagawang teritoryong higit na kilala bilang West Philippine Sea, minabuti ng gobyernong isama na ito sa mga bahagian ng malalaking proyektong ibinulong di umano ng isang dating presidential adviser ng pangulo.

ATTY. JANILO RUBIATO

Si Rubiato ay isang presidential appointee ni Duterte mula rin sa Davao City. Sa datos na makikita sa website ng PRA, lumalabas na si Rubiato ay itinalaga bilang General Manager at Chief Executive Officer.

Sa kanyang curriculum vitae na naka-upload sa website ng nasabing tanggapan, bahagi ng kanyang deklarasyon ay ang malaking papel na kanyang ginampanan para kay Duterte noong 2016. Pinamunuan niya ang Duterte Presidential Campaign Trail sa Visayas region kung saan siya ang advance party ng noo’y alkalde ng Davao City.

Mula 2010, siya ay consultant ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

399

Related posts

Leave a Comment