SA hinaba-haba ng prusisyon sa Los Angeles din ang tuloy.
Bagamat wala pang pormal na pahayag, magkakasama na sa Lakers sina Anthony Davis at LeBron James.
Ito’y matapos na ang New Orleans Pelicans ay pumayag na ipamigay si Davis sa Lakers kalapit nina point guard Lonzo Ball, forward Brandon Ingram, shooting guard Josh Hart at tatlo pang first-round draft choices.
Hindi pa maaaring maging opisyal hangga’t hindi pa nagsisimula ang panibagong taon ng liga sa Hulyo 6, ayon sa ESPN.
Pero, hindi rito nagtatapos ang ‘shopping spree’ ng Lakers para makakuha ng de-kalibreng manlalaro.
Ayon sa ulat, interesado rin ang Lakers, sa pagkuha sa serbisyo nina Kyrie Irving, Kemba Walker, Jimmy Butler at maging ang Southern Californian native at kaka-champion lang na si Kawhi Leonard ng Toronto Raptors, na magiging free agent na.
Tinapos din ng nasabing deal ang may limang buwang bulung-bulungan tungkol sa paglipat ni Davis sa Lakers, kung saan noong Enero pa nag-request ng trade ang player sa pamamagitan ng agent nitong si Rich Paul, na siya ring kumakatawan kay James.
Sa paglipat ng 26-anyos at six-time All-Star na si Davis, ay inaasahang mabibitbit niya sa Lakers ang kanyang dynamic, up-tempo, above-the-rim play sa Hollywood ka-tandem ng 34-year-old na si James, na three-time NBA champion.
Ang Lakers at Pelicans ay hindi nakapasok sa playoffs sa nakaraang season.
