KINUMPIRMA ng pamunuan ng Philippine National Police na may 15 police officers ang isinailalim sa restrictive custody dahil sa posibilidad na may kinalaman sila sa pagkawala ng tinaguriang missing sabungeros.
Ayon kay PNP chief, General Nicolas Torre III, labinglimang tauhan ng PNP ang hawak na nila sa Camp crame.
Sa ginanap na pulong balitaan, inihayag ni Gen. Torre; “We have placed several personnel under restrictive custody pending the investigation on the missing sabungeros. We have partnered with NAPOLCOM (National Police Commission) for the in-depth investigation of this case to ensure transparency and impartiality.”
Inilantad din ni Gen. Torre na matagal na nilang pinasimulan ang lihim na imbestigasyon, ilang buwan na ang nakalipas nang magbigay sa kanila ng pahayag ni Julie Patidongan o alyas “Totoy”.
“Si Totoy matagal na sa amin nagbibigay ng statement, months before, ang lahat ng information na ‘yan ay naka-submit na sa DOJ for their preliminary investigation. Si Totoy nasa protective custody namin siya. But he is applying for the witness protection program dahil ‘pag siya ay nag-qualify itu-turnover namin siya sa DOJ,” ani Torre.
Nasa PNP Criminal Investigation and Detection Group pa umano si Gen. Torre nang sinimulan ang pagsisiyasat matapos nilang makuha si alyas Totoy.
“CIDG pa ko nung masimulan ito, CIDG pa ko nung makuha namin si Totoy at nagbigay ng information sa amin. So, you can imagine already kung kelan pa kami nagsimula nito. I was very shocked, kahit kami nagulat,” dagdag pa ng opisyal.
Nabatid na bukod sa ilang pulis, sinasabing may sangkot din umanong ilang tauhan ng National Bureau of Investigation sa kaso.
Dahilan para hamunin ni NBI Director Jimmy Santiago si Julie Patidongan na pangalanan nito ang mga sangkot na NBI personnel kung meron man para makapagsimula sila agad ng kanilang motu propio investigation.
Sinabi ni Santiago, mabigat ang akusasyon ni alyas “Totoy” at unfair aniya sa mga tauhan ng NBI kung hindi nito papangalanan ang sinasabi nitong mga tauhan ng bureau.
Sinabi pa ni Santiago, handa siyang ipa-line up ang mga tauhan ng NBI para matukoy ang sinasabing mga sangkot sa missing sabongeros.
(JESSE RUIZ)
