HININGI ng mga militanteng mambabatas sa Kamara ang ulo ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kasabay ng pag-arangkada ng “Day of Action” ng mga healthcare worker (HCWs) kahapon.
“Duque should step down to get his sought after sleep. Magbitiw ka na Secretary, kasi pinatulog mo ang bilyun-bilyong pondo ng DOH na dapat sana’y pinakikinabangan ng frontliners ngayon,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Kahapon ay isinagawa ng mga HCW ang malawakang kilos protesta dahil marami pa rin ang hindi nakakatanggap ng kanilang Special Risk Allowances (SRA).
Maging ang P311 billion na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa 20,000 HCWs na direktang humaharap sa giyera kontra COVID-19 ay hindi pa umano natatanggap ng mga ito.
“Pagod at puyat ang ating mga health workers pero pinili nilang magprotesta dahil kahindik-hindik ang kapalpakan at kapabayaan ng gobyernong Duterte. Alam nilang mas nakamamatay ang criminal neglect ng mga nasa poder,” ayon pa sa lady solon.
Dismayado ang mambabatas dahil kapag kapakanan aniya ng medical frontliners ay mabagal kumilos ang DOH at Malacañang subalit kapag ‘pagkakakitaan’ ay mabilis na inilalabas ang pondo.
Inihalimbawa ng mambabatas ang biniling face mask at face shield ng gobyerno sa pamamagitan ng DBM-Procurement Service na dating pinamumunuan ni Undersecretary Lloyd Christopher Lao na mabilis inilabas ang pondo samantalang ang SRA ng HCWs ay halos ayaw ilabas.
“Buti pa ang face masks at face shields, mataas ang pagpapahalaga sa ilalim ng administrasyong ito. Higit doble ang pagpepresyo. Pero kapag health workers, iniipit ang mga benepisyo at pinagkakaitan ng dagdag-sweldo. Mas malaki ba ang pagpapahalaga kung saan malaki kita?” tanong ni Brosas.
Ang nasabing isyu ay unang isiniwalat ng Commission on Audit (COA) na ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ipinagtanggol din nito ang aksyon ng DBM-PS at maging ang dating nitong economic adviser na si Michael Yang kung saan binili ang mga face mask at face shield na overpriced umano.
Walang tigil na protesta
Kahapon ay sinimulan ng iba’t ibang grupo ng health care workers ang kilos protesta sa harap ng gusali ng Department of Health (DOH) sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila.
Pasado alas-10:00 ng umaga, unang nagtipon-tipon ang health workers sa harapan ng Philippine General Hospital (PGH) bago nagmartsa patungo sa tanggapan ng DOH.
Iginiit ng mga ito ang pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque III dahil anila sa kapabayaan, kawalang kakayahan at hindi mabisang pagtugon sa COVID-19 pandemic, gayundin ang kabiguan nitong agarang ibigay ang kanilang mga benepisyo.
Samantala, sinabi ni Filipino Nurses United (FNU) convenor Eleanor Nolasco na tuloy-tuloy ang isasagawa nilang kilos protesta laban sa DOH.
Iginiit naman ng DOH na naipamahagi na sa iba’t ibang rehiyon ang may P311 milyong benepisyo para sa mahigit 20,000 health workers. (BERNARD TAGUINOD/RENE CRISOSTOMO)
323 