(NI HARVEY PEREZ)
BUKAS na ang deadline Hunyo (13) ng pagsusumite ng lahat ng kandidato na lumahok nitong nakalipas na mid-term elections ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
“The Commission on Elections reminds all candidates and electoral parties who participated in the 2019 National and Local Elections to file their Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) on or before June 13, 2019,” ayon sa paalala ng Commission on Elections(Comelec).
Ayon sa Comelec, dapat sana ay ngayon araw, Hunyo 12, ang deadline sa paghahain ng SOCE, o isang buwan matapos ang eleksyon, pero dahil natapat ito sa Independence Day na isang regular holiday sa bansa, ginawa sa Hunyo 13 ang deadline ng paghahain ng SOCE.
Alinsunod sa Republic Act No. 7166, lahat ng kandidato na naghain ng certificate of candidacy (COC) at mga electoral parties ay dapat magsumite ng tamang SOCE sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.
Sinabi ng Comelec, nanalo man o natalo ang isang kandidato sa halalan ay dapat na magsumite ng SOCE ang mga ito.
Dapat umanong ilagay ng mga kandidato sa kanilang SOCE ang tinanggap nilang mga donasyon at kontribusyon, gayundin ang mga ginastos nila sa pangangampanya para sa nilahukang eleksyon.
Nagbanta ang Comelec na ang pagkabigong magsumite ng SOCE ay may katapat na administrative sanctions laban sa kandidato at sa electoral parties.
Mas matindi naman ang sanction laban sa nanalong kandidato na mabibigong magsumite ng SOCE dahil ito ay hindi papayagang makaupo sa pwesto sa Hulyo 1, at papatawan pa ng kaukulang multa habang may kaukulang multa rin naman at parusa ang mga natalong kandidato na hindi rin magsusumite ng kanilang SOCE sa poll body at hindi na muli pang papayagang kumandidato.
