(NI JEAN MALANUM)
UMAASA si swimmer Ernie Gawilan na makalalahok siya sa 2020 Tokyo Paralympics.
Abalang-abala ngayon si Gawilan sa training bilang paghahanda sa World Para Swimming Championship na gagawin sa London, United Kingdom sa September.
Ang World Championship ay isa sa mga tournaments na magsisilbing qualifying para sa mga Tokyo Games.
“Determinado po ako na makasali ulit sa Olympics, kaya pinagbubutihan ko po ang training ko,” sabi ni Gawilan na tubong Davao.
Nanalo ng silver medal sa 400m freestyle si Gawilan.sa Para Swimming Championship World Series sa Singapore noong isang buwan upang mag-qualify sa London.
“Tuwang-tuwa po ako dahil sa nabigyan ako ng pagkakataon na mapalapit sa pangarap ko na mag-Olympics ulit,” ani Gawilan, na ipinanganak na walang mga binti.
Nag-qualify si Gawilan sa 2016 Rio Olympics.kung.saan lumangoy ito sa 400m freestyle, 100m freestyle at 100m backstroke events, ngunit hindi nagkapalad na magkamedalya. “Nagpapasalamat ako sa Philippine Sports Commission dahil sa magandang suporta nila sa mga atleta,” sabi ni Gawilan na nanalo ng apat na bronze sa 2014 Incheon Asian Games.
Nagwagi siya ng dalawang gold at isang silver sa 2015 SEA Games sa Singapore.
