WALA pang mailalabas na grado ang National Telecommunications Commission (NTC) sa performance ng dalawang higanteng telcos na una nang binigyan ng ultimatum ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para pagandahin ang serbisyo ng mga ito hanggang ngayong Disyembre.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, hanggang ngayong katapusan ng taong ito dapat magbigay ng grado ang NTC bago pa sila magsagawa ng evaluation sa telecommunication companies.
Ngayon lang naman daw kasi nakapag- isyu para sa may 5 libong tower permits na inire-release ng mga nasa lokal na pamahalaan.
Kaya ang pakiusap ni Sec. Roque ay hayaang mabigyan ang telcos ng panahon para maitayo ang kanilang mga tower at mula duon ay saka mai-evaluate ang kanilang serbisyo.
Matatandaang noong ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte ay binalaan nito ang mga telco na ite-takeover ng gobyerno kapag wala pa ring improvement sa kanilang serbisyo.
o0o
WALANG KARERA
SA BAKUNA
HINDI dapat ituring na isang karera ang pagkuha ng bakuna laban sa COVID-19 at pagpapabakuna nito sa publiko.
Ito ang iginiit ni National Task Force against COVID-19 at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa harap ng mga kritisismong napag-iiwanan na ang Pilipinas sa ibang mga bansa pagdating sa vaccine procurement.
Ani Sec. Galvez, hindi ito paunahan o dapat ituring na karera dahil mahalagang tingnan kung mabisa at ligtas ang bakuna.
Binigyang-diin nito na hindi mayamang bansa ang Pilipinas na kayang bumili agad ng malaking supply ng bakuna.
Tinatayang nasa 80% ng vaccine supply sa buong mundo ay nakuha na ng mayayamang bansa habang limang porsyento ay napunta sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO) na siyang humahawak ng global solidarity trial.
Sinasabing target ng Pilipinas na makuha ang natitirang 15% ng vaccine supply habang sinisigurong ligtas at epektibo ang bakuna.
o0o
PAGSUPIL SA NPA
PRAYORIDAD
KASAMA sa tatlong prayoridad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang nalalabing higit isang taon sa termino ang masupil ang New People’s Army (NPA).
Ito ang binigyang-diin ni Presidential spokesperson Harry Roque sa gitna ng eksaktong 18 buwan na lang na natitira sa Administrasyong Duterte.
Aniya, talagang susupilin ng chief executive ang aniya’y teroristang CPP-NPA na sa mga nakaraang araw ay naging laman din ng kanyang pag- uulat sa bayan.
Kabilang sa banat ng punong whekutibo ang Makabayan bloc at partikular na binanggit nito si Party-list Representative Carlos Zarate.
Bukod sa grupo ng NPA, kasama rin sa prayoridad ng pangulo sa kanyang last 18 months ang paglaban sa korupsiyon at ilegal na droga na hindi rin nawawala sa kanyang lingguhang talk to the public.
o0o
MGA PASAWAY
NA PULIS BINALAAN
NANAWAGAN ang Malakanyang kasabay ng babala sa mga pasaway na pulis na itago na lamang ang kanilang baril at huwag tangkain na gamitin bilang pagsalubong sa pagpasok ng Bagong Taon.
“Eh kung pinagbabawal po ang karamihan sa mga paputok eh bakit naman gagamitin ang baril. Ang bala ng gobyerno po ay para sa pagpapatupad lamang ng batas, hindi po yan para sa Bagong Taon at kapag kayo ay nagpaputok pataas.. bababa at bababa po ang bala nyan at kapag may tinamaan ay mayroon po kayong kriminal na pananagutan. So, itigil na ninyo po iyan. itago niyo na po ang baril,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Magugunitang napagkasunduan kamakailan ng mga alkalde sa Metro Manila na i-regulate ang paggamit at pagbebenta ng fireworks sa pagsalubong sa 2021 dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
Bukod sa paputok, pinaiiwas ng Department of Health ang publiko sa paggamit ng torotot o pito sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, madali kasing magkahawahan ng coronavirus disease kapag gumamit ng hinihipang paingay.
Samantala, kinondena ng Malakanyang ang pamamaril ng pulis-Parañaque na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Sinabi ni Sec. Roque na hindi poprotektahan ni Pangulong Duterte si Nuezca.
“Kinokondena po natin iyang nangyari diyan sa Tarlac noh at lilinawin ko lang po na hindi ito service related na double murder. Ito’y kung hindi tayo nagkakamali ay isang away daw noh tungkol sa pagposisyon sa lupa. So ang pulis pong yan ay hindi po pupuwedeng mag-invoke ng kahit na anong depensa na may kinalaman sa kanyang tungkulin .. yang pagpatay na yan. At ito po ay
tatratuhin na ordinaryong murder cases. At iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin at paparusahan po natin yang pulis na yan,” pagtiyak pa ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
