DEATH TOLL SA BINALIW TRASH SLIDE, 20 NA; 16 PA MISSING

UMAKYAT na sa 20 ang bilang ng mga nasawi sa Binaliw trash slide sa Barangay Binaliw, Cebu City, habang 16 katao pa ang pinaniniwalaang nananatiling nasa ilalim ng gumuhong bundok ng basura walong araw matapos ang insidente.

Ayon sa Joint Search, Rescue and Retrieval Teams, nadagdagan ang bilang ng mga nasawi matapos marekober ang bangkay ng pitong manggagawa mula sa sanitary landfill kamakalawa ng gabi.

Patuloy na nahihirapan ang operasyon dahil sa tone-toneladang basura, gusot na metal debris, bumagsak na istrukturang bakal, at naipong tubig sa lugar.

Sinabi ni Senior Fire Officer 1 Fulbert Navarro ng BFP Special Rescue Force na lubhang delikado ang rescue operations dahil sa maruming basura, at kahit maliit na sugat ay maaaring magdulot ng malubhang impeksyon.

Dagdag pa ng mga awtoridad, nasa advanced state of decomposition na ang mga bangkay kaya mahirap ang pagkilala sa mga ito. Nahihirapan na rin ang mga sniffing dogs dahil sa matinding amoy na pinalala pa ng pag-ulan.

Kabilang sa mga narekober ang 40-anyos na si Kristan Joseph Ople, na ang kapatid na si Rowena ay natagpuan na noong Enero 9.

Samantala, sinabi ng Prime Waste Solutions (PWS) Cebu na agad silang nakipag-ugnayan sa Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, BFP, at iba pang ahensiya matapos ang insidente, at nagpaabot ng pakikiramay sa mga apektadong pamilya.

Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng sanhi ng landslide ang pinagsamang epekto ng mga lindol at aftershocks noong Setyembre 2025 at ang malalakas na pag-ulan dulot ng Tropical Cyclone Tino noong Nobyembre.

Sinabi rin ng kumpanya na sumunod ito sa cease and desist order ng DENR at nagbigay ng tulong-pinansyal, kabilang ang gastusing medikal, libing, at psychosocial services para sa mga biktima at kanilang pamilya.

(JESSE RUIZ)

3

Related posts

Leave a Comment