DECEMBER INFLATION BUMILIS SA 2.9% – PSA

NAITALA sa 2.9 porsyento ang pagbilis ng inflation rate sa Pilipinas noong Disyembre 2024.

Mas mataas ito kumpara sa naitalang 2.5% inflation noong Nobyembre ng nakalipas ding taon. Mababa naman ito kung ikukumpara sa 3.9% na naitala noong Disyembre 2023.

Iniulat nitong Martes ni Philippine Statistics Authority (PSA) chief USec. Dennis Mapa na ang pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation noong Disyembre ay ang mas mabilis na pagtaas ng mga presyo o halaga sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang langis.

Nagdala naman ito sa annual average inflation rate ng PH para sa 2024 sa 3.2%, mas mababa kumpara sa 2023 annual average inflation rate na 6.0%.

Ang inflation noong Disyembre ay pasok sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.3% hanggang 3.1% at nangangahulugan na naabot ang target ng gobyerno na mapanatili ang average inflation para sa 2024 na 2% hanggang 4%.

Isinisi Sa Mais

Samantala, kung noong Nobyembre ay presyo ng bigas ang idiniin sa pagbilis ng inflation, ngayon naman ay sa halaga ng mais.

“The problem seems to be corn, as I have persistently pointed out in recent months. Corn inflation is at 5.0 percent year-on-year, and that dragged up meat inflation to 4.9 percent, as the principal input,” paliwanag ni House committee on ways and means chairman Joey Salceda.

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Salceda na ang hindi pagbaba ng presyo ng bigas sa kabila ng Executive Order (EO) 62 na nagbaba ng 15 percent na taripa sa imported rice mula sa dating 35 percent ang pangunahing dahilan kaya umabot ng 2.5 percent ang inflation rate noong November mula sa 2.3 percent noong Oktubre 2024.

Gayunpaman, hindi na umano ito ang dahilan dahil bumaba ng 0.7 percent ang presyo ng bigas mula sa dating 0.9 percent dahil sa imbestigasyon ng Quinta Committee hinggil sa rice hoarding, manipulation at cartel.

Umaasa ang mambabatas na ngayong buwan hanggang Pebrero ay lalo pang bababa ang presyo ng bigas sa bansa.

Ngayon ay kabilang umano sa tututukan ng komite ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mais na nakaaapekto sa halaga ng karne at poultry products na siyang humila sa inflation rate pataas. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

320

Related posts

Leave a Comment