SUKDULAN ang paggamit o pagsangkalan sa press freedom ng mga suporter ng ABS-CBN gayung hindi naman umano apektado ang kalayaan sa pamamahayag sa pagsasara ng nasabing network.
Ito ang opinyon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na hindi naniniwalang naapektuhan ang kalayaan sa pamamahayag matapos ipasara ng National Telecommunications Commission (NTC) ang nasabing network noong Mayo 5.
“One network lang yan. Medyo extreme naman ang statement na press freedom,” pahayag ni Defensor.
Ayon sa mambabatas, malaya pa ring nakapagre-report ang lahat ng media outlet sa bansa at hindi sila pinagbabawalan ng gobyerno kaya buhay na buhay aniya ang kalayaan sa pamamahayag.
Hindi naniniwala si Defensor na namatay ang press freedom sa bansa nang magsara ang ABS-CBN matapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 5.
Nagsimulang mag-apply ang ABS-CBN para sa renewal ng kanilang prangkisa noong Setyembre 11, 2014 sa pamamagitan ni dating Isabela Rep. Giorgiddi “Gigi” Aggabao.
Panahon ito nina dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino at dating House Speaker Feliciano Belmonte Jr., subalit hindi nagkaroon ng pagdinig sa nasabing panukala ni Aggabao.
Muling inihain ng ilang miyembro ng 17th Congress ang nasabing panukala kung saan si Davao Rep. Pantaleon Alvarez ang Speaker ng Kamara subalit hindi rin inaksyunan sa hindi malamang dahilan mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2018.
Maging sa huling isang taon ng 17th Congress kung saan Speaker si dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ay hindi rin naaksyunan ang prangkisa ng ABS-CBN kaya muli itong inihain noong 18th Congress kung saan si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na ang Speaker.
Gayunpaman, tulad noong panahon nina Aquino at Belmonte, hindi rin binigyan ng prayoridad ang prangkisa ng ABS-CBN kaya napaso ito noong Mayo 4 na naging dahilan para ipasara ito ng NTC. BERNARD TAGUINOD
