DENGUE OUTBREAK GUMAPANG SA 8 LUGAR

(JULIET PACOT)

NAGBABALA ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagdedeklara ng dengue outbreak sa 8 pang lugar sa bansa sa gitna ng pagtaas ng mga kaso nito sa mga nakalipas na linggo.

Nauna nang nagdeklara noong Sabado ang Quezon city ng dengue outbreak. Hanggang noong Biyernes, Feb. 14 nasa 1,769 na ang may dengue sa Quezon City kung saan sampu na ang nasawi na kinabibilangan ng mga menor de edad.

Nakikitaan din umano ng pagtaas ng kaso, ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo ang walo pang lugar sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon na maaring magdeklara rin ng outbreak sa mga susunod na araw.

Dahil dito, inatasan na ng DOH Centers for Health Development ang Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESUs) na makipag-ugnayan sa counterparts ng mga ito sa Local Government Unit (LGU) level.

Alinsunod sa batas, tanging ang opisyal ng LGU ang maaaring magdeklara ng local dengue outbreak.

Bunsod nito, nagpaalala ang mga health expert na huwag mag-atubiling magpakonsulta sa espesyalista o magpa-ospital kapag nakaramdam ng mga sintomas ng sakit upang maiwasang lumala ang kondisyon na maaaring humantong sa kamatayan.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, special diseases specialist sa San Lazaro Hospital, “(ka)pag ang lagnat ng isang tao, especially mga bata, tumatagal ng three days, dalhin na (agad) sa ospital.”

“Mas maigi na nandoon sa ospital, pila ka, makita ka ng doktor… Ang key diyan ay third day. ‘Pag third day, may lagnat pa, dalhin na sa ospital,” dagdag na payo ni Solante.

Ayon pa rito, may kakayahan ang mga ospital na magsagawa ng kumpletong blood count o CBC at batayan din ang hematocrit level at platelet count ng isang pasyente upang matiyak ang kanyang kondisyon o karamdaman.

“Kung pababa na ang platelet, pataas ang hematocrit, iyon iyong isa sa mga warning signs [ng dengue]. Hindi na talaga papauwiin iyan, ina-admit na iyan,” kanyang tinukoy.

“Hindi lang ito sa Quezon City. Kung titingnan mo ang trending sa mga iba’t ibang probinsiya, mga highly urbanized area—sa Baguio, Palawan, Cebu City—December, January, mayroon talaga tayong nakikitaan na tumataas ang mga kaso,” paglilinaw ni Dr. Solante.

Simula nitong bagong taon, nakapagtala na ang DoH mula Enero 1 hanggang 18 ng 10,842 kaso ng dengue sa buong bansa.

34

Related posts

Leave a Comment