DEPED HIRING NG LAWYERS PINURI NG EMPLOYEES UNION

SUPORTADO at pinapurihan ng Department of Education-National Employees Union (DepEd-NEU) ang pamunuan ng Kagawaran ng Edukasyon sa pinakahuling aksyon nito na mag-hire ng karagdagang mga abogado para italaga sa lahat ng Schools Division Office sa buong bansa.

Ayon kay Atty. Domingo Alidon, national president ng DepEd-NEU, saludo sila kay Secretary Sonny Angara dahil sa suportang ipinakita nito sa kanilang hanay at nagbunga na rin ang matagal na umano nilang ipinaglalaban.

Ang pagkakaroon ng permanenteng abogado sa bawat schools division ay malaking kaluwagan aniya sa trabaho ng mga superintendent dahil matututukan na nito ang kanilang pangunahing mandato – ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.

“Ang pangunahing tungkulin ng ating mga superintendent ay pamunuan at pangasiwaan ang edukasyon. Pero dahil sa rami ng reklamo, isyung legal at administrative concerns ay madalas silang napipilitan na gampanan ito bunsod ng kakulangan sa mga abogado,” ang pahayag ni Alidon sa panayam ng mga miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps kamakailan.

Sinabi pa ni Alidon, sa ilalim ng dating patakaran, umaasa lamang ang kagawaran sa mga abogado mula sa regional offices para tumugon sa mga isyung legal at gawaing administratibo na kailangan ang legal na mga hakbangin.

“Nagkakaroon tuloy ng backlog pagdating sa pagresolba ng mga usapin at kasong legal ganoon din sa administratibong bagay ngunit ngayon ay agaran na itong matutugunan dahil may mga abogado na bawat Schools Division Office,” dagdag pa ni Alidon.

Bukod sa mga abogado, ikinatuwa rin ng employees union ang pag-hire ng karagdagang executive officers, administrative officers at iba pang posisyon upang gumanap sa mga non-teaching workload na dati ay idinadagdag pa sa gawain ng mga guro.

“Dahil dito, nabawasan na ang bigat ng trabaho ng ating mga guro at mas tutok sila ngayon sa pagtuturo na pangunahin nilang tungkulin para sa mga kabataang Pilipino,” giit pa ni Alidon.

Tinatayang nasa 50,000 pang mga non-teaching personnel ang kakailanganin sa buong bansa upang tuluyan nang maipasa ng mga guro ang mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo tungo sa mga non-teaching staff.

“Muli, pinasasalamatan namin nang lubos si Secretary Angara dahil kinilala nito ang isyu kaugnay sa matagal nang pangangailangan naming ito. Suportado namin ang hakbang na ito at kaisa kami ng ahensya na mapabuti pa ang kalagayan ng edukasyon sa ating bansa,” pagtatapos ni Alidon.

(NEP CASTILLO)

142

Related posts

Leave a Comment