‘DI NAKAPAG-INTREGA SA DROGA, ITINUMBA

CAVITE – Hinihinalang dahil sa hindi na-intregang pinagbentahan ng ilegal na droga kaya binaril at napatay ang isang 49-anyos na lalaki sa Imus City noong Huwebes ng gabi.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Ariel Mallari ng Block 1, Lot 18, Delight St., Happy Homes, Buhay na Tubig, Imus City, dahil sa tama ng bala ng kalibre .38 na baril habang pinaghahanap ang suspek na si Jeff Rosales ng Barcelona, Buhay na Tubig sa nabanggit ding lungsod.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. Tristan Tamayo ng Imus City Police Station, bago ang pamamaril, nasa loob ng kanilang bahay ang biktima nang nakarinig ng malakas na katok sa kanilang pintuan na tila galit dakong alas-9:05 ng gabi.

Nasa loob naman ng CR ang live-in partner ng biktima na si Josette Antillon, 48, at tinanong kung sino ang kanyang bisita at sinabi nitong si “Jeff” hanggang sa nakarinig na lamang ng putok ng baril kaya mabilis na lumabas at nakita ang asawa na duguang nakahandusay.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek.

Ayon kay Tamayo, posibleng droga ng motibo sa pagpatay at hinihinalang kinukubra ng suspek ang pinagbentahan nito.

Dagdag pa ni Tamayo, ayon sa live-in partner ng biktima, narinig nito na galit na sinabi ng suspek ang salitang “Akin na!” na maaaring ang perang pinagbentahan sa ilegal na droga, kasunod ang putok ng baril.

Ayon pa sa live-in partner, parehong tulak ng ilegal na droga ang biktima at ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)

185

Related posts

Leave a Comment