NADAKIP ang isang dating kasapi ng communist terrorist group na kumikilos sa lalawigan ng Masbate, sa inilunsad na joint law enforcement operation ng PNP-PRO5 at Bulacan PNP sa Barangay Sta. Rosa 1, Marilao, Bulacan.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-Police Regional Office 5 Director Jonnel C. Estomo, nadakip ng kanyang mga tauhan si Jolina Mabuti alyas “Joy-Joy,” 21-anyos, dating kasapi ng CTG, at finance officer ng Larangan 1, Komite ng Probinsya 4, at dating naninirahan sa Guinhadap, Monreal, Masbate.
Sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ni Judge Arturo Clemente B. Revil ng Regional Trial Court Branch 50, San Jacinto Masbate, ay dinakip ang suspek ng mga tauhan ng PNP-PRO5 at Bulacan Police Provincial Office, sa pamumuno ni Col. Lawrence Cajipe, sa Barangay Sta. Rosa 1, Marilao, Bulacan.
Ayon kay P/BGen. Estomo, matapos matiktikan at matunton ang kinaroroonan ng kanilang target ay isinagawa ng Regional Mobile Force Battalion 5, katuwang ang Marilao Municipal Police Station, ang anti- communist operation laban sa suspek.
Base sa record ng pulisya, ang dinakip na CTG member ay kabilang sa mga responsable sa bomb attacks sa Brgy. Calipat-an, San Jacinto, Masbate noong Nobyembre 26, 2017 at sangkot din sa pagpatay sa isang alyas “Almosara,” aktibong CAFGU member, noong sumunod na taon.
Kasalukuyang nakadetine sa RMFB5 custodial facility ang nasabing suspek. (JESSE KABEL)
