DICT BROADBAND PROJECT PINALALAANAN NG P18-B

ISINUSULONG sa Senado ang paglalaan ng P18 bilyong pondo para sa state-owned broadband network upang mapahusay ang kalidad ng internet sa bansa at palawakin ang sakop nito na magbibigay benipisyo sa mamamayan.

Ito ang inihayag kahapon ni Senador Grace Poe.

Sa deliberasyon ng badyet ng Department of Information and Communications Technology (DICT), sinuportahan ni Poe ang kahilingan ng ahensiya na ibigay sa kanila ang P18 bilyon para makumpleto at mailatag na ang National Broadband Program, na pupunan ang kritikal na pangangailangan sa harap ng tumataas na demand sa connectivity at internet service sanhi ng pandemya.

“Sa panahon ngayon talagang isa sa pinaka-importante ay ang internet natin kasi marami sa mga kababayan natin ay nagtatrabaho sa bahay. Marami ring estudyante kung hindi lahat, nasa bahay din nag-aaral,” ayon sa chairperson of the committee on public services sa kanyang interpelasyon.

“Sana mas mabilis, sana mas mura at sana lahat meron. Sana all,” dagdag ni Poe.

Sinabi ni Poe na hindi dapat magdusa sa pagbabawas ng badyet ang paglalatag ng krusyal na imprastruktura para sa connectivity dahil malaki ang maitutulong nito sa mamamayan.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Bill, umabot lamang sa P902 milyon ang badyet na inilaan sa broadband project. Sa bersiyon naman ng mababang kapulungan, naglagay ng P2 bilyon dito habang P3 bilyon naman sa Senate finance committee na tinalatakay ngayon sa plenaryo.

Pero, sinabi ni Poe na masyado pang malayo ang naturang halaga sa P18 bilyon na kailangan para sa buong implementasyon ng proyekto saka iginiit na hindi lalampas sa isang bilyon ang orihinal na alokasyon na halos hindi makita ang kahalagahan.

Sa kanyang pagkuwestiyon, ipinaliwanag sa plenaryo na masasakop ng broadband project ang pangangailangan sa connectivity ng buong burukrasya kabilang ang local government units (LGUs).

Makatitipid din ang pamahalaan ng P34 bilyon sa gastusin sa internet sa 2025 kung dadagdagan ng Kongreso ang badyet para sa broadband project, ayon sa DICT. (ESTONG REYES)

182

Related posts

Leave a Comment