DIGONG AT SARA PINAGSASABONG NG PDP-LABAN

(SAKSI NEWS TEAM)

MISTULANG kasador ng sabong ang Partido Demokratikong Pilipino (PDP-Laban) sa napipintong salpukan nina Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kaugnay ng nalalapit na 2022 presidential elections.

Sa tono ng pahayag ng nakababatang Duterte, isang babala rin ang ipinarating ng iritableng alkalde laban sa mga opisyal ng partidong kinabibilangan ng pangulo.

“Huwag ako ang sisihin niyo sa pagkakawatak-watak ng partido niyo. Hindi ko kasalanan kung wala isa man sa inyo ang pwedeng irespeto ng mayorya. Wala din akong kinalaman kung bakit nagmumukhang sitcom sa telebisyon ang partido niyo.”

Una na niyang inamin sa isang social media post na kinausap siya ng kanyang amang nakiusap pa umano sa kanya na i-endorso ang napipintong tambalan nina Senador Bong Go at amang Pangulo sa papalapit na halalan.

Kasabay ng pag-amin ng ama, siya umano ay inabutan ng dalawang liham – isang paliwanag kung bakit kailangan niyang i-endorso ang tambalan ng dating alalay at ng kanyang ama, at isang pangungumbinsi sa kanyang tumakbong pangulo kasama ni Go bilang bise-presidente nito.

Pag-amin ng batang Duterte, lubha siyang napikon kaya naman ang kanyang panawagan sa ama at sa dating alalay nitong si Go ay panindigan ang kanilang desisyon, kasabay ng paghimok sa dalawa na isapubliko ang kanilang hangaring pagsabak sa halalan.

Dagdag pa ni Sara, kailangan din aniyang ilahad ng magkatambal ang kanilang plataporma at plano kung paano matutugunan ang problemang kinasasadlakan ng mga Filipino.

“I strongly suggest to the President and Senator Go to own up publicly to run as a tandem. If they can confirm it privately, then I don’t see any reason why they cannot be candid about it to the public. They should simply present to the people what they can offer to our country and how they can help our fellow Filipinos,” ani Sara kasabay ng panawagan sa ama at sa dating alalay nito, tantanan na ang paggamit sa kanyang pangalan.

“I respectfully advise them to stop talking about me and make me the reason for them running or not running.”

Pahabol pa ni Sara, hindi niya kailangan ang PDP-Laban dahil higit aniya siyang may kakayahang mag-organisa higit pa sa kakayahan ng iba. Dagdag pa niya, hindi niya nanaising maging bahagi ng isang basag na partido.

“Hindi ako papayag maging last minute replacement,” dugtong ni Sara na siyang pinuno ng Hugpong ng Pagbabago, isang regional political party.

Pumiyok si Koko

Kaugnay nito, tila sinagot ni Sen. Koko Pimentel ang patutsada sa kanya ni Mayor Sara kaugnay ng pagkaladkad umano niya sa presidential daughter sa usapin ng pagpili ng dadalhing kandidato ng PDP-Laban.

Paglilinaw ni Pimentel, ang mga pahayag niya sa mga nakalipas na araw ay nakasentro kina Energy Sec. Alfonso Cusi at Atty. Melvin Matibag.

Giit nito, hindi niya isinasali sa internal na banggaan ng kanilang partido ang isang outsider patungkol kay Sara.

“Look at all MY statements regarding the PDP LABAN issue. I have been addressing all my comments to Sec. Cusi and sometimes, to Atty. Matibag. This is an “internal” dispute. I never dragged an outsider into our internal dispute or blamed an outsider for the internal dispute or for causing the internal dispute,” bahagi ng pahayag ni Pimentel. “Our internal dispute has been caused by someone from the inside.”

Sa pahayag naman ni Ronwald Munsayac, executive director ng PDP-Laban, pakana ito ni Sec. Cusi upang itago na ang tunay nilang kandidato ay si Mayor Sara upang maiiwas sa mga batikos ang alkalde.

Inilutang din sa statement ng Pacquiao-Pimentel group ng PDP-Laban na posibleng ang Go-Duterte tandem ay mag-withdraw sa presidential at vice presidential race bago ang election day upang magbigay daan kay Mayor Sara bilang kandidatong presidente.

Nagsimula ang alitan sa PDP-Laban nang mangalap si Cusi ng lagda sa mga miyembro noong Marso para itulak ang pagtakbong bise presidente ni Pangulong Duterte sa 2022.

575

Related posts

Leave a Comment