BAGO pa tuluyang ipatupad ng pamahalaan ang upgraded Emergency 911 system ngayong buwan ng Agosto, nanawagan na si Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa lahat ng local chief executives na magpasa ng kanilang mga ordinansa na nagpapataw ng kaparusahan sa prank callers sa national emergency hotline.
“Dapat may ordinance ang lahat ng LGUs na may monetary fine, jail time basta prank call,” ani SILG Remulla.
Ayon sa kalihim, marapat lamang na magkaroon ng ordinansa ang lahat ng lokal na pamahalaan sa buong bansa na may mabigat na multa at pagkakakulong para sa mahuhuling prank callers ng emergency 911.
Ito ang inihayag ni Remulla, dalawang linggo bago ang rollout ng nationwide unified emergency 911 system.
Sa ilalim ng bagong sistema ng emergency 911, magkakaroon ng tracking capabilities, mayroon itong tinatawag na may geofence at geo data upang mabilis na matukoy at mahuhuli ang mga prank caller.
Base sa reports mula sa E911 National Office, nito lamang taong 2024 ay halos nasa 12 million calls ang pumasok sa e-system, subalit nasa 60 percent nito ay itinuturing na fraudulent, hoax, or prank calls.
Sa ilalim ng umiiral na Presidential Decree 1727, ang sinomang mapatunayang nagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring makulong ng hanggang 5 taon at multang aabot sa P40,000.
Sinasabing ang pagsasaayos ng sistema ng emergency 911 ay bahagi ng mas malaking hakbang ng administrasyong Marcos para sa mas mabilis na response time ng pulisya sa anomang emergency situation para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
(JESSE RUIZ)
