DILG sa mga alkalde PAGSALUBONG SA BAGONG TAON TIYAKING LIGTAS

INATASAN ng Department of Interior Local Government (DILG) ang mga alkalde na tiyaking ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa isang kalatas, hiniling ni DILG Sec. Eduardo Año sa mga alkalde ng 144 lungsod at 1,498 munisipalidad ang mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan kaugnay ng pagbebenta at paggamit ng mga paputok sa merkado, gayundin ang pagpapaputok ng baril na posibleng ikamatay o ikasugat ng sino mang tatamaan ng ligaw ng bala.

Bukod sa mga alkalde, mahigpit din ang tagubilin ng Kalihim sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) na paghandaan ang nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.

“Inaatasan ko ang PNP na doblehin ang pagmo-monitor at pag-iinspeksyon para siguraduhing hindi kakalat sa merkado at walang gagamit o madidisgrasya sa iligal na paputok,” ani Año.

Aniya, responsibilidad ng PNP at LGUs na magpatupad ng national at local policies sa paputok upang maiwasang may mamatay o masugatan.

Ipinaaaresto rin ng opisyal sa PNP ang mga lalabag sa regulasyon at pagmumultahin ng P20,000 hanggang P30,000 kasama na ang anim na buwang pagkakakulong hanggang isang taon, kanselasyon ng lisensya at business permit, at pagkumpiska ng inventory stocks. (LILY REYES)

347

Related posts

Leave a Comment