IPINAPAPASKIL sa mga pampublikong lugar ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang listahan ng mga barangay chairman ng kanilang target beneficiaries para sa Social Amelioration Program (SAP).
Layunin nito, ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, ay masiguro ang transparency sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng naturang programa.
“We want the process of identifying the target beneficiaries under the SAP to be transparent. Hence, we have directed all our punong barangays to post the masterlist of beneficiaries in strategic areas in their barangays so that the residents will also be informed if they will receive the said financial assistance from the government,” wika ni Año.
“Napakaimportante na ihayag ang listahan para maliwanagan din ang mga mamamayan at maintindihan nila na kailangang unahin ang pinakamahirap na pamilya na walang-wala na talagang mapaghuhugutan sa gitna ng krisis na ito,” dagdag ng kalihim.
Bukod dito, ang pagsasapubliko ng listahan ng target SAP beneficiaries ay magsusulong ng malinis, malinaw, at maayos na pangangasiwa sa SAP funds.
Iginiit din ng kalihim na mahalaga rin para sa mga punong barangay na gawin ang naturang hakbang para makapagbigay ang mga residente ng feedback kung sa tingin nila ay dapat silang mapasama sa listahan.
Una nang tiniyak ng DSWD na maaaring mag-request ng karagdagang funding ang mga local government unit para mabigyan din ang mga hindi kasama sa unang bugso ng SAP financial assistance. TJ DELOS REYES
463
