DILG UMAASANG PAYAPA PAGTATAPOS NG INC PROTEST

GENERALLY peaceful ang unang araw ng mass demonstration ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Maynila, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, inaasahang mananatiling maayos ang tatlong araw na pagkilos, kasabay ng babala sa mga posibleng manggulo na handa ang pamahalaan na tugunan ang anomang banta sa public order.

Sa panayam noong Linggo ng hapon, sinabi ng kalihim: “Sa pinag-usapan namin ng mga tagapamahala ng INC, nakikita naman natin na they are living up to what they promised. Tahimik naman sa Quirino.”

Nag-inspeksyon si Remulla sa Quirino Grandstand kasama si PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. at NCRPO Chief Anthony Aberin upang tiyakin ang seguridad sa lugar.

Ayon sa Manila DRRM Office, tinatayang umabot sa 650,000 ang crowd estimate sa Quirino Grandstand bandang alas-6 ng gabi noong Linggo.

Sinabi ni INC general evangelist Bienvenido Santiago Jr. na layon ng tatlong araw na protesta na manawagan ng konkretong aksyon laban sa katiwalian sa flood control projects, at hindi ang pagpapatalsik sa gobyerno.

Ayon kay Remulla, pinalakas ng PNP ang security preparations batay sa “lessons learned” mula sa anti-corruption rally noong Setyembre 21, kung saan 216 katao kabilang ang mga menor de edad — ang inaresto at 95 pulis ang nasugatan sa sagupaan. Nagdulot din iyon ng pinsala sa pampubliko at pribadong ari-arian.

“It is better to overreact than underreact. It is better to be over prepared than underprepared. Lessons learned,” ani Remulla.

Tiniyak din ng kalihim na alerto ang mga awtoridad, at wala pang naitatala na anomang hindi kanais-nais na insidente sa kasalukuyang INC rally.

Nagbabala rin si Remulla sa mga grupo o indibidwal na huwag manggulo sa mapayapang demonstrasyon, at pinaalalahanan ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang hindi sila masangkot sa anomang kaguluhan.

Bawal Ang Epal

INAMIN ng Iglesia ni Cristo (INC) na bukas sila sa pagpapasama ng mga politikong gustong makiisa sa kanilang rally basta’t malinaw na pro-people at pro-Constitution ang pakay.

Ito ang sinabi ng INC spokesperson na si Edwin Zabala sa isang casual na kwentuhan sa loob ng media center, kasunod ng isyung si Senator Rodante Marcoleta umano ang nasa likod ng malawakang kilos-protesta dahil sa pagiging kaanib ng INC at umano’y pagkakaroon nito ng posisyon bilang jakuno.

Nilinaw ni Zabala na bawal mabahiran ng kulay-pulitika ang anomang bahagi ng kanilang pagtitipon. Aniya, automatic na “etsapuwera” ang sinomang politikong susubok umeksena para lamang sa personal na interes lalo na yung may balak tumakbo sa 2028 national elections.

Samantala, base sa datos ng Manila Police District (MPD), umabot na sa 220,000 ang crowd estimate pagsapit ng 2:00 p.m. Inaasahan pang madadagdagan ito pagdating ng gabi para sa ikalawang araw ng protesta.

Naligaw Lang

“MISCOMMUNICATION”. Ito naman ang paliwanag ng Philippine National Police (PNP) matapos mapuna ang presensya ng mga armadong pulis sa Quirino Grandstand sa unang araw ng kilos-protesta ng INC.

Ayon sa PNP, nagkaroon ng kalituhan sa paglatag ng seguridad noong Linggo. Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Police Col. Manuel Cula ng Special Operations Division ng Directorate for Operations na naligaw lamang ang contingent at bunga ito ng simpleng miscommunication.

Paliwanag ni Cula, hindi dapat armado ang mga pulis, lalo na ang mga nakatalaga sa Civil Disturbance Management. Augmentation lamang umano ang grupo mula sa Police Regional Office 4B at nagkamali raw ng dapat na pwesto sa kabila ng isinagawang briefing.

Tiniyak naman ng PNP na naayos na ang isyu at wala nang armadong pulis sa Quirino Grandstand matapos ang pag-uusap sa pagitan ng PNP at INC.

(JESSE RUIZ/JULIET PACOT/TOTO NABAJA)

141

Related posts

Leave a Comment