Direktiba ng DSWD sa koop P7M KALTAS SA AYUDA IBALIK SA BENEPISYARYO

INATASAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang kooperatibang nangasiwa sa pagpapamahagi ng halos P7 milyong ayuda sa ilalim ng programang Livelihood

Assistance Grant (LAG) na agad ibalik ang kinaltas nitong bahagi sa halagang laan para sa mga benepisyo mula sa bayan ng Pandi sa lalawigan ng Bulacan.

Partikular na tinukoy ng DSWD ang Magic 7 Cooperative na umano’y mas malaki pa ang kinaltas na pera kumpara sa aktuwal na natanggap ng mga benepisyaryo.

Sa isang virtual press conference, mismong si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) officer-in-charge Atty. Yvette Contacto ang nagbigay direktiba sa DSWD na obligahin ang Magic 7 na isoli agad ang perang kanilang kinaltas sa mga benepisyaryo.

Gayunman, hindi pa rin makumpirma kung tinugon na ng nasabing kooperatiba ang direktibang batay sa naging pasya ng iba’t ibang ahensyang bahagi ng task force na nag-imbestiga sa nasabing katiwalian.

Pagtitiyak ni Contacto, patuloy nilang tututukan ang Magic 7 hangga’t di pa naibabalik hanggang sa huling sentimo ang salaping binawas nito sa kabuuang halagang laan bilang ayuda ng gobyerno.

Lubos namang umaasa ang nasabing opisyal na matatapos ang pagsasauli ng salapi sa mga benepisyaryo bago matapos ang buwan ng Oktubre.

Base sa mga datos na nakalap, lumalabas na P15,000 ang halagang inilaan ng pamahalaan sa mga benepisyaryo ng LAG – malayo sa aktuwal na tinanggap ng mga residente ng nasabing bayan.
Sa salaysay ng mga nagreklamo, pwersahan diumano ang pagkaltas ng Magic 7 sa kanilang ayuda. Giit umano ng Magic 7, para sa kooperatiba ang binawas na P5,000.

Sa pag-aakalang yun lang ang mababawas sa halagang laan para sa kanila, laking gulat umano nila nang panibagong P5,000 ang muling kinaltas ng nasabing kooperatiba para naman daw sa mga samahang kumakatawan sa mga senior citizen, PWD at kababaihan.

Dito na nagpasyang dumulog sa PACC ang mga residente ng Pandi laban sa Municipal Social Welfare Department (MSWD) at Magic 7 Cooperative.

Sa tala ng DSWD, 3,500 ang benepisyaryo ng residente sa ilalim ng nasabing programang ayuda ng gobyerno. Layon ng LAG na bigyan ng tulong pinansyal ang mga pamilyang lubos na naapektuhan ang kabuhayan bunsod ng pandemya.

“Ang pagbibigay ng administrasyong Duterte ng financial assistance ay para mapakinabangan ng mga pamilya na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa umiiral na community quarantine at hindi para ibulsa ng iilan,” pahayag ni Contacto, kasabay ng panawagan sa iba pang may kahalintulad na reklamo na agad magsumbong sa kanilang tanggapan para sa agarang aksyon. (FERNAN ANGELES)

436

Related posts

Leave a Comment