DMW TAHANAN NG MGA BAGONG BAYANI

LABIS-LABIS ang kagalakan ng mga bagong bayaning OFW sa mga binitiwan na salita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) na may kinalaman sa kalagayan ng mga OFW.

Maaga pa lamang ay nagtipon-tipon na ang mga OFW sa isang Zoom meeting na pinangunahan ng bagong talagang Undersecretary ng Department of Migrant Workers (DMW) na si Atty. PY Caunan. Sa nasabing zoom meeting ay tinalakay ang iba’t ibang mga programang nakalatag at mga kasalukuyang ginagawa ng DMW sa pamumuno ni Secretary Susan “Toots” Ople.

Mataas na ang enerhiya bago pa lamang ang pagsisimula ng SONA dahil sa presentasyon ng mga bagong programa ng DMW, pero mas lalong nag-alab ang damdamin ng mga OFW nang mismong sa bibig ni PBBM namutawi ang kanyang mga bagong direktiba para sa kapakanan ng mga OFW.

Malugod niyang ibinalita ang pagbubukas ng One Repatriation Command Center (ORCC) na kamakailan ay pormal na pinasimulan ni Sec. Ople. Tama ang tinuran ni PBBM na ang isa sa malimit na pinagdaraanan ng mga pamilyang OFW na ang kamag-anak ay kinakailangan mapauwi sa Pilipinas dahil sa biktima ng pagmamaltrato, pang-aabuso at may karamdaman, ay nagkakautang-utang pa para lamang makapunta sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para lamang humingi ng tulong.

Sa bagong tatag na ORCC ay kinakailangan na lamang na tumawag sa telepono kung ito ay nasa malalayong lugar, at kung ang pamilya naman ay may kakayahan na makapunta sa Maynila ay maaari ding magtungo sa 2nd floor ng POEA building sa EDSA corner Ortigas.

Bukod sa ORCC, ay maligayang tinatanggap ng mga OFW ang bagong direktiba ni PBBM na pagpapabilis ng pagkuha ng Overseas Employment Certificate (OEC). Dati-rati kasi ay kinakailangan na maglaan ng panahon ang mga bakasyunistang OFW na imbes na ang kanilang oras ay ilaan sa pamilya ay nauubos pa sa pagpila sa POEA para lamang makakuha ng OEC. Sabi nga ni Sec. Ople sa kanyang mensahe noong unang araw n’ya sa DMW ay “Huwag na nating pahirapan pa ang mga OFW na matagal nang naghihirap .” Kaya sa unang araw pa lamang sa panunungkulan ay ipinangako na ni Sec. Ople na gagawin niya ang lahat ng paraan upang sa gayun ay magiging online na lamang ang pagkuha ng OEC.

Binanggit din ni PBBM ang planong pagtungo ni Sec. Ople sa Saudi Arabia sa mga susunod na buwan upang masiguro ang magandang ugnayan ng kaharian ng Saudi Arabia at ng ating bansa upang buksan muli ang deployment sa Saudi Arabia. Ngunit dapat na masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW. Kabilang sa mga dapat na ­gawing alituntunin ay ang paglagak ng “Escrow Deposit” ng foreign recruitment agencies na siyang gagamiting pondo sakaling hindi magbayad ng sweldo at benepisyo ang mga employer.

Sa mensahe na binitiwan ni PBBM sa kanyang State of the Nation Address ay pinagtitibay nito na ang Department of Migrant Workers ay tunay na tahanan ng mga OFW na maaari nilang asahan at masilungan.

140

Related posts

Leave a Comment